NAARESTO ng mga kagawad ng Pampanga CIDG PFU, Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP), PIU-Pampanga PPO at San Fernando City Police Station ang suspek, na sinasabing lider ng criminal group na lumilinya sa bigtime swindling, sa kanyang hideout sa Brgy. Dela Paz, sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon, batay sa ulat ni P/Col. Arnold Thomas Ibay, ang suspek na si Hieu Phan Van Manuel, 26 anyos, walang trabaho, Filipino-Vietnamese, residente sa nabanggit na barangay.
Ayon kay P/BGen. De Leon, dinakma ng mga operatiba ang suspek dala ang alias warrant sa kasong large-scale estafa na nilagdaan ni Presiding Judge Paz Esperanza Cortez ng Taguig City RTC Branch.
Base sa impormasyon ng mga awtoridad, pinuno ng isang criminal group ang suspek na lumilinya sa bigtime swindling at iba pang uri ng panggagantso, at panloloko na kinasasangkutan ng multi-milyong halaga ng pera ng kanilang mga nabiktima.
Nakompiska ng mga raiding team mula sa pag-iingat ng suspek ang isang kalibre 9mm pistola at isang bala, isang granada at motorsiklong walang plaka.
(RAUL SUSCANO)