NAMAHAGI ng Ramadhan Sadaqah ang mga kawani ng Angeles City Police Office sa pamumuno ni P/Col. Rommel Batangan, sa ilalim ng superbisyon ni PRO3 P/BGen. Valeriano de Leon, nitong Sabado, 17 Abril, bilang pakikiisa sa mga kapatid na Muslim sa kanilang pagdiriwang ng Ramadan, sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Sa pagtitipong ginanap, ipinatupad ang minimum standard ng safety health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield, at ipinairal ang social distancing sa mga bisitang dumalo.
Ipinaliwanag ng mga awtoridad ang mga alituntunin upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na CoVid-19 sa kanilang komunidad.
Ibinahagi ng pulisya sa hanay ng mga kababaihan ang mga kaalaman upang maiwasan ang pang-aabuso at ang dapat gawin sakaling may maganap na kaugnay na insidente.
Kasama sa pagtitipon ang mga kagawad ng Pampanga Highway Patrol Team (PHPT), mga opisyal ng Muslim Community, Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), Kaligkasan, NCITACS, at mga kapatid na Muslim ng lungsod ng Angeles.
(RAUL SUSCANO)