NATAGPUAN ang matataas na kalibre ng mga baril at granada sa mga bahay ng dalawang suspek na hindi nadatnan sa ginawang pagsalakay ng pinagsamang puwersa ng CIDG CFU Olongapo, CIDG PFU Zambales, 301st MARPSTA, PIU, PDEU, 1st at 2nd PMFC, PDEG, SWAT, ZPO, HPG, PDEA at Subic Municipal Police Station sa bisa ng search warrants nitong Huwebes, 15 Abril, sa Subic, lalawigan ng Zambales.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon ang mga suspek na sina Abel Israel, alyas Abel Muslim; at Joel Salvador, alyas Jongjong, kapwa mga residente ng Purok 6-B, Calapacuan, sa nabanggit na bayan, parehong sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591.
Nasamsam ng mga awtoridad sa bahay ng mga suspek ang isang M67 fragmentation HE hand grenade, isang pistolang walang tatak, isang kalibre .45 baril, isang magasin, isang hand-held grenade, at mga bala.
Inihain ng mga awtoridad ang search warrant sa mga kaanak ng mga hindi dinatnang suspek sa kanilang mga bahay na nagpaunlak para magrekisa at sa presensiya ng mga kinatawan ng barangay upang magsilbing saksi.
“We have been continuously beefing up our aggressive drive to recover and to seize loose firearms through continuous police operations and implementation of search warrants against illegal gun owners. May this serves as stern warning to all, especially those who have not yet renewed their licenses or turn-over their undocumented firearms in the nearest police station for safe keeping,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)