ARESTADO ng mga awtoridad ang dalawang suspek na pinaniniwalaang mga miyembro ng isang criminal group nitong Martes, 13 Abril, sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon, nasukol ang mga suspek na kinilalang sina Romer Rillera, 36 anyos, binata, no. 2 most wanted ng San Manuel Police Station; at Mark Anthony Evangelista, 41 anyos, may asawa, kapwa residente sa El Pueblo Condominium, King’s Point Subd., Bagbag, Novaliches, sa lungsod ng Quezon City.
Nadakip si Rillera sa bisa ng warrant of arrest ng mga pinagsamang puwersa ng Pampanga CIDG PFU, CIDG 3 RFU, San Manuel Police Station, Mabalacat City PNP at RHPU 3 sa asuntong robbery hold-up na inisyu ni Hon. Bernar Dungo Pajardo, Presiding Judge, Paniqui, Tarlac RTC Branch 67, inirekomenda ang P100,000 piyansa sa kanyang pansamantalang paglaya.
Samantala, nakompiska ng mga operatiba mula sa mga suspek ang apat na plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang nakabalot sa papel na pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana, at isang asul na Toyota Revo FX, may plakang WME 126.
Sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad, parehong kabilang ang mga suspek sa criminal group na lumilinya sa robbery hold-up at pagtutulak ng ilegal na droga at iba pang mga ilegal na aktibidad sa lalawigan ng Pampanga ganoon din sa mga karatig na probinsiya sa rehiyon. (RAUL SUSCANO)