NANG i-post ng Viva ang poster ng pelikulang SEOBOK na bagong pelikula ng Korean actors na sina Gong Yoo at Park Bo Gum ay ang dami na kaagad nabasa naming manonood ng pelikula base sa thread ng FB page ng bida ng Encounter.
Hanggang ngayon kasi ay hot topic pa rin ang 2018 Korean Drama series na Encounter nina Park Bo Gum at Song Hye-Kyo na ngayon ay ginawan ng Filipino version ng Viva na pinagbibidahan nina Diego Loyzaga at Cristine Reyes na kasalukuyang napapanood sa TV5.
Samantalang si Gong Yoo naman ay hindi nakalilimutan sa Korean Drama series nitong Goblin (2017) at pelikulang Train to Busan (2016).
Kaya ngayong magsasama ang Asia’s Biggest Stars sa SEOBOK ay marami na ang nag-aabang sa global premiere nito sa Abril 15 na mapapanood sa 4 na platforms tulad ng KTX.ph, iWantTFC, SKY PPV sa halagang P250, at siyempre sa Vivamax mula sa direksiyon ni Lee Yong Zoo.
Ang kuwento ay isang dating Intelligence agent, si Ki-hun (Gong Yoo) na mag-isang namumuhay dahil sa trauma ang pinagkatiwalaan ng kanyang dating boss para sa isang secret mission, ang ilipat sa isang ligtas na lugar ang kauna-unahang human clone na si Seobok (Park Bo Gum).
Ngunit masisira ang misyon sa pag-atake ng mga ‘di-kilalang tao sa kanilang convoy. Makakatakas sina Ki-hun at Seobok, ngunit marami silang problemang haharapin, lalo na’t unang beses makalabas ni Seobok sa totoong mundo na buong buhay niya ay nakatira lang sa isang laboratoryo.
Manghang-mangha si Seobok sa totoong mundo at gustong alamin ang maraming bagay, ngunit si Ki-hun ay gusto lamang na matapos niya agad ang kanyang misyon. Iba-ibang grupo na may iba-ibang pakay ang hahabol kay Seobok, ang clone na magliligtas sa sangkatuhan, at siya ding pinakamalaking banta sa sangkatauhan.
Hatid ng VIVA International Pictures at MVP Entertainment, panoorin ang kakaibang on-screen chemistry ni Gong Yoo at Park Bo Gum sa SEOBOK.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan