PAGKATAPOS i-vlog ni Kim Chiu ang collections niya ng branded boots nitong nakaraang lingo, tungkol naman sa Most Googled Questions About Me ang episode niya na in-upload sa YouTube channel niya nitong Linggo ng gabi.
“I will answer the top most questions about me in google,” bungad ng Chinita Princess.
Nagbalik-tanaw ang aktres na First Day High (2006) ang sagot sa ‘What is Kim Chiu’s first movie.’
“First movie ko ‘yun (sabay kanta ng themesong) at sobrang idol ko pa si Maja Salvador noon and you know naman that friend of mine, Majs (sabay kaway). Kaya sobrang happy ko na naka-work ko siya roon, so ako roon si Indi (Indira), ‘yung naka-yellow na iba-ibang kulay. Ako ‘yung studios girl with an eye glass and everything na iba’t ibang types ng personality sa school. ‘First Day High,’ thank you for that first movie of mine.”
Can Kim Chiu speak Chinese?
Nagsalita ng Mandarin si Kim kung ano ang tunay niyang pangalan, Kimberly Sue Yap Chiu, mahilig siyang manood ng TV at Mangga ang paborito niyang prutas at siya ay Filipina.
“Ang Fukien ang mas madalas naming ginagamit na salita lalo na sa lola ko. Pina-follow namin ang Chinese tradition dahil sa lola ko,” kuwento ni Kim.
Dagdag pa, ”pero ‘pag Mandarin at Cantonese hindi ko masyadong natutuhan, pero pag-aaralan natin ‘yan. Kaya sa tanong kung marunong akong mag-Chinese, yes a little, tampo lang (kaunti).”
Sa tanong kung may mga kapatid siya, ito’y sina Lakam, Twinkle, William, at John Paul, ”and my ibang half sibs din sa ibang vlog (ko). So, mayroon akong 12 or 13 siblings. Yes marami sila, pero ‘yung buo kong kapatid is five lang kami,” say ni Kim.
Pati ang height ni Kim ay isa rin sa laging sine-search sa google, ”5’5 po ako, matangkad na ba ‘yun? Yes, I think so. Kaya ‘pag nagpi-picture po kami ang anggulo parating sa baba para magmukhang matangkad talaga.
Nagulat ang aktres, ”ha, bakit pati favorite food ko? Chowking, super comfort food ko is really Chinese food. Anything na Chinese food na any dimsum, siomai, butchi, siopao, pansit, noodles, chao fan. Naha-happy talaga ako kapag kumain ako ng Chinese food, not that I’m Chinese, perfect na ang noodles, siomai and rice.”
Natawa naman nang husto ang dalaga sa tanong na,‘how is Kim Chiu?”Ha, ha ha, okay naman ako. Ang sweet naman ng mga tao, kinukumusta nila ako kay Google. Hmm, naiyak ako. Siguro hindi nila ako makamusta as myself kaya tinanong na lang nila si Google kung kumusta ako, the cutest.
“Okay lang po ako marami pong salamat. Siguro kaya most search ito niyong mga nangyari sa akin last year (in-ambush), okay naman po ako. Ito po after 1 year alive na alive and kicking thank you po kay Lord (sabay tingin sa taas).”
Can Kim Chiu drive? “Yes I can drive, matic only ha, ha ha. No manual for me. Matic only like a bump car, ipe-press mo ‘yung gas, ipe-press mo ‘yung break, perfect na ‘yun.
“Madalas akong mag-drive before, pang stress relief ko, magda-drive ako papuntang Subic dadaan ka ng NLEX, sakto lang, chill drive lang, sobrang fun titingin ka lang ng mga view at ang saya.
“Sana walang magtanong ng ‘can Kim Chiu parked at the basement’ because I cannot takot akong umatras kaya favorite ko ang mall na may valet (parking) dahil ipa-park nila for me.”
Pinagsisihan naman ni Kim ang hindi niya naipagpatuloy ang pag-aaral, ‘where did Kim Chiu go to college?’
“Ay isa ito sa regrets ko in life na hindi ako nakatuntong ng college but I think everythings happen for a reason and dito ako dinala (showbiz) at masaya ako na napag-college ko ‘yung tatlo sa mga kapatid ko at nagtapos sila ng pag-aaral.
“So, I think it’s rewarding na for me. Pero nakapag-UPOU (UP Open University) ako, kinuha ko ang business management (course). So thru online tapos ‘pag may recitation magbi-video call lang kami ng teacher. So rati pa pala nauso na ang homeschool bago pa itong pandemic na ito.
“But hindi ako nagtagal kasi hindi ko kinaya ang daming assignments, ang daming projects tapos nagte-teleserye pa ako tapos nag-a-‘ASAP’ pa ako. Hindi ko sinisisi ang mga project na ‘yun because those are opportunities na hindi natin puwedeng palampasin. Ang pag-aaral nandiyan lang ‘yan at anytime puwede (balikan).”
Marami pang tanong na nakatutuwa at nakatatawang sagot ni Kim na mas magandang panoorin sa kanyang YT channel lalo na ‘yung sagot niya kung Korean siya, kung masaya siya kay Xian Lim at kung sila pa rin at iba pa.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan