NAGTALAGA ng iisang entry at exit point ang mga awtoridad upang masala ang bawat pagpasok at paglabas ng mga tao at mga sasakyan maging sa ibang lugar sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Hinigpitan na rin ng mga kawani ng Public Order and Safety Coordinating Office, kasama ang mga kinatawan ng barangay ang galaw ng mga mamimili sa public market mula 5:00 am hanggang 3:00 pm upang maiwasan ang hawaan ng CoVid-19.
Ito ay bilang pagtalima sa Executive Order CMO2021-21 na nilagdaan ni Mayor Edwin “Edsa” Santiago sa pagpapalawig ng House Lockdown mula 12:01 am, 12 Abril hanggang 11:59 pm, 18 Abril 2021, sa lungsod sanhi ng paglobo ng mga kaso ng CoVid-19 sa lugar.
Alinsunod dito, hindi pinahihintulutang pumasok sa siyudad ang hindi mga residente maliban kung may maipakikitang ID at sertipikasyon ng kompanyang kinabibilangan at negatibong RT- PCR test result.
Ipinag-uutos sa lahat ng mga punong barangay ang mas estriktong pagpapatupad ng home quarantine, manatili sa pamamahay kung hindi importante ang sadya sa paglabas.
Bawal din lumabas ang edad 17 anyos pababa sa mga menor de edad at 61 anyos pataas sa mga senior citizen kung hindi ‘essential’ ang dahilan.
Pinatutupad din ang minimum safety health protocol sa lahat ng oras, curfew mula 10:00 pm hanggang 5:00 am ; at ang liquor ban sa siyudad.
Matatandaang idineklara ni Governor Dennis “Delta” Pineda sa kanyang nilagdaang Executive Order No. 5 ang House Lockdown mula 20 Marso hanggang 5 Abril at pinalawig ito mula 5-15 Abril upang mapababa ang nakaaalarmang paglobo ng mga kaso ng CoVid-19 sa lalawigan.
Inatasan rin ang mga kapitan ng mga barangay sa buong lalawigan na maglatag ng mga quarantine control points upang makontrol ang paglabas-masok ng mga residente kaakibat ang pagpapatupad ng minimum standard ng safety health protocols na panuntunan ng pamahalaan.
(RAUL SUSCANO)