WALA sa hinagap ng isang suspek na matutunton at madarakip siya ng mga awtoridad nitong Huwebes, 8 Abril, dahil sa pagpo-post ng mga paboritong selfie sa social media sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. San Isidro, isla ng Puerto Galera, lalawigan ng Oriental Mindoro.
Base sa ulat ni P/Col. Romano Cardiño, direktor ng Zambales PPO, kay PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon, inaresto ang suspek na kinilalang si Resty Gallardo, 38 anyos, may asawa, construction worker, tubong Castillejos, sa lalawigan ng Zambales, sa kanyang kasalukuyang tirahan sa Brgy. San Isidro, Puerto Galera, sa nasabing lalawigan, ng mga kagawad ng Zambales Provincial Intelligence Unit kasama ang CIDG PFU, PIU at 1st Provincial Mobile Force ng Oriental Mindoro, at Puerto Galera Police Station dala ang warrant of arrest sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu ni Honorable Judge Raymond Viray, ng Olongapo City RTC Branch 75.
Ayon sa impormasyon ng Zambales PNP, nakalaya ang suspek sa pamamagitan ng plea bargaining at probation na ipinagkaloob ng hukuman ngunit hindi niya nakompleto ang mga kinakailangang rekesitos at hindi na nag-report sa kanyang probation officer sa Zambales hanggang tuluyang nagtago sa Oriental Mindoro. (RAUL SUSCANO)