BALIK-KULUNGAN ang isang dating barangay kagawad nang balikan ang dating bisyong paggamit at pagtutulak ng ilegal na droga nang maaresto sa inilatag na drug bust ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Minalin Police Station sa pamumuno ni P/Capt. Mark Anjo Ubaub nitong Biyernes ng gabi, 9 Abril, sa Brgy. Sta. Rita, bayan ng Minalin, lalawigan ng Pampanga.
Batay sa ulat ni P/Col. Arnold Thomas Ibay, direktor ng Pampanga PPO, kay P/BGen. Valeriano de Leon, kinilala ang suspek na si Eric Nuque, 48 anyos, dating kagawad, may asawa, naninirahan sa Brgy. San Francisco 2, sa nabanggit na bayan.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang 10 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang cellphone, P500 marked money, at Honda Wave na motorsiklong gamit sa kanyang ilegal na gawain.
Ayon kay P/Capt. Ubaub, dati nang nakulong si Nuque sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at nakalaya taong 2019.
May mga tip umano silang natanggap galing sa mga mamamayan at mga kabaryo ng suspek kaugnay sa kanyang muling pagkagumon sa bisyo na humantong sa pagtutulak ng droga, kaya kanilang minanmanan at kinompirma ang mga gawain ng suspek hanggang siya ay madakip, dagdag ni Ubaub. (RAUL SUSCANO)