LIMANG hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga ang naaresto nang salakayin ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency 3 (PDEA 3) – Tarlac Provincial Office, ang minamantinang drug den ng mga suspek sa Block 1, Estrada, sa bayan ng Capas, lalawigan ng Tarlac.
Ayon kay PDEA3 Director Christian Frivaldo, agad nilang inaksiyonan ang tip mula sa mga mamamayan na tumawag sa hotline ng “Isumbong mo kay Wilkins” ng PDEA na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na kinilalang sina John Karlo Ramos, 27 anyos; Renato Reyes, 41 anyos; Melvin Lugtu, 36 anyos; Racquel Rustillo, 29 anyos; pawang mga residente sa Brgy. Estrada, sa nabanggit na bayan; at Elsa Urgel, 30 anyos, taga-Karuhatan, lungsod ng Valenzuela.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P272,000, iba’t ibang mga pinaggamitang shabu paraphernalia, at marked money.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa PDEA custodial facility.
(RAUL SUSCANO)