BUKOD sa entrapment operations, panghuhuli ng drug personalities at iba pang operasyon, puspusan din ang inilunsad na mga inspeksiyon at profiling ng K9 Unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 3 sa mga bus terminal sa pamumuno ni Director Christian Frivaldo bilang lead agency sa kasagsagan ng pagpapaigting ng kampanya sa pagsugpo ng ilegal na droga sa rehiyon.
Makaraang makipag-ugnayan ang pamunuan ng PDEA sa pamunuan ng Victory Bus Liner, ininspeksiyon ng PDEA SIU-SBMA sa pangunguna ni IA 1 Mario Riñopa at PDEA SIU – Bataan sa pamumuno ni IO 2 Joe Patrick Lingan sa ilalim ng superbisyon ni IA lll Albert Bohol, SIU-Bataan, PDEA 3 SES K9 Unit, nitong Biyernes, 9 Abril ang terminal na matatagpuan sa 18th St., West Bajac-Bajac, sa lungsod ng Olongapo, lalawigan ng Zambales.
Nauna nang ininspeksiyon ng mga K9 Unit nitong Huwebes, 8 Abril ang mga terminal ng Genesis at Victory liner sa lungsod ng Balanga, lalawigan ng Bataan.
Makaraang maipaamoy ang mga kargamento at bagahe sa kanilang sinanay na K9 dogs at mainspeksiyon, walang nakitang traces ng ilegal na droga sa mga nabanggit na bus terminal na posibleng gamitin ng drug couriers sa pagdispatsa ng kanilang kontrabando para iwas huli ng mga awtoridad. (RAUL SUSCANO)