HINDI nakapiyok ang dating alagad ng batas at kanyang kasamahan nang makompiskahan ng 35 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P238,000 at arestohin ng mga dating kabaro sa inilatag na anti-narcotics operation nitong Martes, 6 Abril, ng mga kawani ng PPDEU Tarlac PPO, at Tarlac City Police Station SDEU, sa kanyang apartment sa lungsod ng Tarlac.
Kinilala ni P/Col. Renante Cabico, direktor ng Tarlac City Police Office ang mga suspek na kinilalang sina Lorenzo Jacob, alyas Kernel, retiradong pulis, residente sa #28 Avid St., San Sebastian, at kasalukuyang umuupa ng apartment sa Sitio Pag-asa, San Rafael; at kasamang si Freluz Sotto, 35 anyos, residente sa Sitio Lote, Brgy. Central, parehong sa nabanggit na lungsod.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang 28 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na umabot sa 35 gramo ang timbang at nagkakahalaga ng P238,000, at P3,000 marked money na ipinain sa mga suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa PNP custodial facility. (RAUL SUSCANO)