HINDI na naitago at tuluyan nang nabuko ang pinakaiingatang sikreto ng pagtutulak ng droga nang maaresto ang isang Sangguniang Kabataan (SK) Kagawad sa inilatag na drug bust nitong Sabado, 3 Abril, ng Nampicuan Municipal Police Station SDEU sa pamumuno ni P/Lt. Randy Panaga, officer-in-charge, sa bayan ng Nampicuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay P/Col. Jaime Santos, Nueva Ecija provincial police director, naaktohan ang suspek na kinilalang si Gian Carlo Suela, 24 anyos, SK Kagawad ng Brgy. Cabaducan West, nang pagbentahan ng isang paketeng naglalaman ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana ang police poseur buyer, na kanyang ikinaaresto saka dinala sa police station.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa suspek ang 10 pakete ng hinihinalang marijuana na umabot ang timbang sa 10 gramo, nagkakahalaga ng P5,000, isang cellphone, at P500 marked money na ginamit sa operasyon.
Samantala, desmayado ang mga kabarangay, mga kasamahan, at pamunuan ng Konseho ng Nampicuan, dahil imbes maging modelo para makaiwas sa bisyo ay pasimuno pa sa kapariwaraan ng mga kabatan.
(RAUL SUSCANO)