HINDI malalaman ang tunay na pagkatao ng isang nilalang hanggang hindi siya nakakausap nang masinsinan. Ito ang aral ni Sonny Trillanes nang nakausap niya nang tao-sa-tao (one-on-one) si Rodrigo Duterte noong Abril 2015. Bahagi ang kanilang pagkikita sa proseso ng Magdalo upang malaman kung sino ang kanilang susuportahan sa halalang pampanguluhan noong 2016.
“Ang pambungad niya sa akin ay hindi siya tatakbo,” ani Sonny Trillanes sa pagtatanong ng dalawang radio host sa isang panayam sa radio. “Kaya nagkuwentohan na lang kami… Nandoon si Bong Go sa isang gilid,” aniya. Sa kuwentohan nilang dalawa noong 2015 (hindi kasali si Bong Go) tumambad kay Sonny Trillanes ang tunay na pagkatao ni Rodrigo Duterte.
“Nakipag-usap ako para malaman kung anong uri ng tao siya,” aniya.
Dahil sinabi ni Duterte na hindi siya tatakbo sa halalan sa 2015, imposible ang salita ng mga tagasuporta ni Rodrigo Duterte na lumapit si Sonny Trillanes upang ipresinta ang sarili bilang katambal o kandidato sa pangalawang pangulo. Walang salapi si Sonny upang ipresinta ang sarili bilang running mate sa halalan. Sa huli, si Alan Peter Cayetano na mas masalapi ang ka-tandem ni Duterte. Pero ibang kuwento ito.
Sa kanilang pag-uusap na umabot nang mahigit isang oras, sinabi ng dating mambabatas na nagpasikat sa kanya si Duterte na noon ay alkalde ng Davao City. Ikinuwento umano ni Duterte ang kanyang mga napatay, kung sino, ilan, at paano niya pinaslang, ani Sonny Trillanes. Dahil isang dating sundalo si Sonny Trillanes, pilit na ipinakita ni Duterte ang sarili na kaya niyang pumatay, aniya.
Ayon sa dating senador, nakipag-usap siya kay Duterte dahil kumakalat ang mga kuwentong bayan (myth) tungkol sa kanyang kakaibang katangian noong mga panahon na iyon. Binanggit niya ang mga balita tungkol sa pagiging “action man,” o “visionary.”
“Tatapusin niya umano ang mga problema ng bayan mula tatlo hanggang anim na buwan,” aniya. Ito ang dahilan kung bakit pinilit niyang tuklasin kung sino talaga si Duterte at upang malaman ang totoo.
Sinabi ni Trillanes na kahit sinabing hindi tatakbo si Duterte sa 2016, umiikot ang dating alkalde ng Davao City sa iba’t ibang panig ng bansa, isang palatandaan na mayroon siyang nakatagong political agenda. Hindi maganda ang kanyang impresyon sa kanilang pag-uusap noong 2015. Sinabi niya sa mga kasama sa Magdalo na “hindi puwedeng presidente” si Duterte. “Mukhang may diperensiya sa utak,” aniya.
Hindi ito ang unag pagkikita ni Sonny Trillanes at Rodrigo Duterte. Una silang nagkita noong kampanya sa halalan noong 2013 sa Davao City. Tumakbo si Sonny Trillanes bilang reeleksiyonistang senador sa ilalim ng tiket ng administrasyon ni PNoy. “Dinala niya ako sa isang barangay doon at sinabi sa mga tao na ‘kapag hindi ninyo siya ibinoto, armalite-tin ko kayo,’” aniya.
Namigay umano ng listahan si Duterte sa mga ibobotong senador, ngunit laking gulat niya na wala ang pangalan niya sa listahan. “Ganoon talaga,” aniya. “Kaya kailangan makilala talaga kung anong uri ng tao ang mga humaharap sa bayan, aniya.
Ipinaliwanag ni Sonny Trillanes na nanalo si Duterte noong 2016 dahil sa panloloko sa sambayanang Filipino. “Nabudol-budol tayo,” aniya. Mahilig niyang ipresinta ang sarili bilang “tagaligtas ng bayan,” ngunit hindi niya kayang gampanan ang tungkulin ng pangulo ng bansa.
***
SA panayam, sinabi ni Sonny Trillanes na patuloy ang pagbaba ng approval rating ni Duterte sa tinawag niyang “Luzon Beltway” na kinabibilangan ng Pangasinan, Region 3 (Central Luzon) at Region (4). Sa huling datos na nakalap ng mga Magdalo chapter sa mga lalawigan sa Luzon Beltway, bumagsak sa 35% ang approval rating ni Duterte noong Pebrero mula 42% noong huling bahagi ng 2020.
“Malaki iyon. Bigla ang pagbagsak,” aniya. Malalaman kung tuloy-tuloy ang pagbagsak ni Duterte sa survey ngayong buwan (Abril), ani Sonny Trillanes.
***
SANG-AYON kami sa opinyon ni Sonny Trillanes na nanloko si Rodrigo Duterte na ilabas ni Bong Go ang mga larawan kung saan hinipan niya ang kandila sa isang maliit na tumpok ng kanin. Hindi nagsabi ng totoo si Duterte sa larawan, aniya. Mahilig niyang ipakita ang sarili bilang isang mahirap o naghihirap, ngunit malayo ito sa katotohanan, ani Sonny Trillanes.
“Wala ba siyang staff, pamilya, o PSG na bibili ng cake mula sa Red Ribbon o Goldilocks a pagdiriwang ng kanyang kaarawan? ani Sonny Trillanes. Hindi maalis na sabihin ng dating sanador, at sinasang-ayunan namin ang kanyang tinuran, na trabaho ni Duterte ang manloko sa bayan. Bahagi ito ng “budol-budol,” aniya.
***
KUNTIL BUTIL: Humingi ng tatlong milyong doses ng bakunang Sputnik (gawang Rusya ito) sa Gemalaya, ngunit 100,000 lamang ang ibibigay, ani vaccine czar Carlito Galvez, Jr. Hindi siya nagpaliwanag, ngunit nagpahayag siya ng pag-asa sa dahil sa muling pag-order, “baka ibigay.” Isang malaking “baka.” Sinabi ni Sonny Trillanes sa isang panayam na pilit na kinokontrol ng pangkat ng Davao City ang pag-angkat ng mga bakuna, face mask, at ibang PPEs dahil sa negosyo. Monopolyo nila ang negosyo?
Iniulat ni Galvez na dumating noong Lunes ang isang milyong doses ng Sinovac. Bahagi ito ng 25 milyong doses ng Sinovac na inorder ng gobyerno sa China. Siempre, mahal nila ang China kaya hindi sila nangingimi na gawing monopolyo ng Sinovac ang Filipinas. May darating na dalawang milyong doses sa Mayo, ani Galvez. Iniulat ni Galvez na mahigit 612,000 na ang nabakunahan. Karamihan sa kanila ay mga frontline healthcare workers – doctor, nars, komadrona, nursing aide, orderly, medical technologist, lab technicians, at iba pa.
Sabi ni Sony Trillanes, nagkukumahog ngayon ang gobyerno ni Duterte. Naunahan tayo ng ibang bansa sa bakunang bayan. Gumawa ng order ang Indonesia sa mga kompanya ng bakuna noong Hunyo 2020. Nag bigay agad ng down payment, aniya. Kaya umabot na sa 12 milyon ang nabakunahan sa kanila. Ang Singapore, nakakuha pa ng bakuna galing sa Pfizer na ginagamit sa Estados Unidos. Malayo tayo sa Indonesia dahil bukod sa kaunti ang nabakunahan, magulo ang sistema ng pagbabakuna. Marami ang singitan.
BALARAW
ni Ba Ipe