PATAY ang isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga nang manlaban sa inilatag na drug bust ng mga sama-samang tropa ng PIU/PDEU, 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), Zambales PPO, at San Marcelino municipal police station SDEU nitong Huwebes, 1 Abril, sa San Guillermo, sa bayan ng San Marcelino, lalawigan ng Zambales.
Kinilala ni P/BGen. Valeriano de Leon, ayon sa ulat ni P/Col. Romano Cardiño, provincial director ng Zambales PPO, ang suspek na si Richard Sparling, alyas Sparks, 41 anyos, residente sa West Dirita, San Antonio, sa nabanggit na lugar, at sinasabing talamak na pusher ng ilegal na droga na dati nang nahuli, nakulong ngunit bumalik sa pagtutulak nang makalaya.
Mabilis ang reaksiyon ng suspek nang maamoy na mga pulis ang nakatransaksiyon at nang makakuha ng tiyempo ay pinutukan ang poseur buyer na gumanti ng putok kasama ang nakaabang na tropang back-up, na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Nakompiska ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang kalibre 9mm pistola, at isang pakete ng hinihalang shabu sa pinangyarihan ng insidente.
(RAUL SUSCANO)