ARESTADO ang isang quarry checker matapos pagbentahan ng ilegal na droga ang mga hindi nakilalang anti-narcotics operative ng Mabalacat City Police SDEU nitong Biyernes, 12 Marso, sa isang mini-farm, sa 56 St., Mawaque Resettlement Center, Sapang Biabas, sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni P/Col. Arnold Ibay ang suspek batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rossel Cejas, na si Liberato Gonzales, alyas Batotoy, 52 anyos, kabilang sa drugs watchlist, may asawa, quarry checker at nakatira sa Mawaque Resettlement Center, ng nabanggit na lugar.
Nakuha ng mga operatiba sa pag-iingat ng suspek ang dalawang pakete na naglalaman ng limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000 at marked money.
Sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad, umeerya ang suspek sa mga quarry site at sa lungsod ng Mabalacat para maisakatuparan ang kanyang mga ilegal na gawain.
Sangkot rin umano ang suspek sa serye ng robbery-hold up sa lalawigan ng Pampanga.
Nahaharap ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Mabalacat City PNP sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RAUL SUSCANO)