LIMANG hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga ang nalambat sa isinagawang pagsalakay ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency3 (PDEA3) sa pamumuno ni Director Christian Frivaldo at Mabalacat City Police Station sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rossel Cejas nitong Sabado, 13 Marso, sa mismong drug den na minamantina ng mga suspek sa Brgy. Dapdap, sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni P/Col. Arnold Thomas Ibay ang mga suspek na sina Marissa Manaois, 44 anyos; Ronald Padilla, 23 anyos; Robin Manaois, 21 anyos; Jo Anthony Gueco, 36 anyos; at Roxane Manaois, 18 anyos; pawang naninirahan sa naturang barangay.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang siyam na paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, iba’t ibang drug paraphernalia, at marked money na ipinain sa mga suspek.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa prosecutor’s office ang mga suspek na isinailalim sa drug testing ng PNP crime laboratory. (RAUL SUSCANO)