SILAB ang pelikulang magtatampok sa mga bagong iidolohing artists ng 3:16 Media Network ni Len Carillo na sina Cloe Barreto at Marco Gomez.
Kasama sa pelikula si Jason Abalos na bubuo sa triyanggulo nila. At mga batikang aktres ang kinuha ni direk Joel Lamangan para suportahan ang mga baguhan sa katauhan nina Chanda Romero at Lotlot de Leon.
Nakakuwentuhan ko si Balotsky sa pictorial ng cast kasama si direk Joel sa studio ni Edward dela Cuesta.
Iisa lang naman ang nagiging paksa namin sa tuwi kaming magkakausap. Pamilya. At inalam ko pa rin ang tunay na pangyayari sa masaya sanang selebrasyon ng kaarawan ng kapatid na si Ian (de Leon).
Kung ang isa pang ibig sabihin ng Silab ang gagamitin, siguradong mag-aapoy at bubuga ng sobrang galit si Balotsky sa nangyari sa kapatid. Dahil na-bash ito ng bonggang-bongga sa sari-saring opinyon ng mga wala namang kinalaman sa ginawang isyu.
“Nakakasama lang ng loob kasi pinasama naman niyong mga nagsulat ang kapatid ko. Na wala naman silang alam kung bakit ganoon ang nangyari. Ikaw, alam mo na ang sitwasyon ng pamilya namin. May mga bagay na dapat talaga iniintindi na lang. Hindi na ipinipilit ‘di ba? Naawa lang ako sa kapatid ko.”
Kinausap naman ni Balot ang ilan sa sumulat at pinagsabihan. Na dapat inaalam muna nila ang mga tunay na dahilan kung bakit ang isang bagay ay humahantong sa hindi rin naman nila kagustuhan.
Sa ngayon, isang happy wife sa kanyang happy life si Balotsky. Na natutuwa na rin sa mga pinupuntahan ng kanyang mga anak.
“Happy din naman ako kasi naging responsable na sila. At desidido na sa mga gusto nilang gawin. Ako naman every now and then, nabibiyayaan pa rin ng mga taping at shooting. Nasasanay na sa bagong ikot ng mundo.
“Rito sa ‘Silab,’ bagong sibol na naman ng mga artista ang naka-trabaho ko. Nakita ko kung gaano sila kadesidido sa lahat ng mga ipinagawa ni direk Joel sa kanila. First day pa lang, alam mo ‘yung nasa set sila na in character na. Alam na ang mga linya at mga gagawin. Kaya, hindi kami nahirapan working with them.”
Napapanood si Balotsky sa Walang Hanggang Paalam bilang ina ni Angelica Panganiban sa Kapamilya. At dito sa Silab isang ina pa rin ang kanyang ginagampanan.
Paano nga ba ang maging isang ina sa isang dakilang gaya niya?
“Wala pa man akong naging asawa, naging ina na ako sa lahat ng mga kapatid ko. Alam niyo naman ‘yan. Kaya natutuwa na lang ako kapag nakaririnig ako ng mga salita, congratulating me kasi job well done raw na lumaki silang maayos. Kami naman ang magkakasama during those times. Sa mga anak ko, ganoon din. Kaya, ako masaya ang puso ko. Kaya kapag may isang nasaktan o sinaktan sa kanila, sumasakit syempre ang kalooban ko. At bilang anak, wala pa ring tatalo sa pagmamahal naming lahat sa aming ina. At alam niya ‘yan.”
Tama naman. Basta nga huwag o wala lang magkontrabida!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo