HINDI nakapiglas si alyas Robinhood at ang kanyang partner nang posasan ng mga awtoridad matapos mahulihan ng tinatayang aabot sa P2.5-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa inilatag na anti-narcotics operation nitong Martes, 9 Marso, sa lalawigan ng Tarlac.
Kinilala ni P/BGen. Valeriano de Leon ang mga suspek batay sa ulat ni ni P/Col. Renante Cabico, direktor ng Tarlac PPO, na sina Danilo Paredes, alyas Kee Robinhood, 44 anyos, tubong Liboton, Kapalong, Davao del Norte; at Vergie Fernandez, 37 anyos, tubong Urbiztondo, Pangasinan, kapwa naninirahan sa Sitio Bana, Dolores, sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa mga suspek ang pitong paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,594,000 at may timbang na 380 gramo, marked money, cellphone, at Honda Beat na motorsiklong ginamit ng mga suspek sa kanilang operasyon.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na nakakulong sa PNP custodial facility. (RAUL SUSCANO)