NAG-UMPISA ang gobyerno ni Rodrigo Duterte noong 2016 sa pagpatay ng mga maliit na gumagamit ng ilegal na droga. Nang makita ni Duterte na walang mangyayari kahit libo-libo ang napatay at nananatili ang droga sa paligid, lumipat ang atensiyon ng tila baliw na lider sa mga puwersang makakaliwa. Biglang sinalakay ang ilang lider magsasaka at obrero sa Calabarzon noong Linggo ng umaga na nauwi sa pagkamatay ng siyam katao at paghuli ng anim pa.
Utos umano ni Duterte ang operasyon. Pagkalipas ng ilang oras, nagsimba ang mga opisyal ng PNP na pinangungunahan ni P/Gen. Debold Sinas sa Manila Cathedral. Nagdasal ang mga opisyal ng PNP na tila humingi ng patawad sa Dios sa kanilang mga kasalanan.
Katulong sa operasyon ang Southern Luzon Command na pinamumunuan ni Gen. Antonio Parlade, Jr. Ilang beses napahiya si Parlade dahil sa kanyang walang batayang akusasyon sa mga kabataan na sangkot umano sa komunismo. Hindi natuwa kahit si Delfin Lorenzana, kalihim ng tanggulang bansa, sa mga walang batayang akusasyon ni Parlade sa mga artista at mag-aaral ng University of the Philippines.
Hindi namin batid kung dumaan kay Lorenzana ang operasyon laban sa mga aktibista na nakabase sa Calabarzon. May balita na deretsong nag-uulat si Parlade kay Duterte. Mukhang nilampasan si Lorenzana ni Parlade sa operasyon na umani ng katakot-takot na batikos sa social media.
Kasama ang kilusang kaliwa ng mahalal si Duterte na bagong pangulo noong 2016. Kasama ang ilang lider kaliwa nang binuo ni Duterte ang kanyang administrasyon. Sa pagbagsak ng usapang pangkapayapaan noong 2018, nagkahiwalay ng landas si Duterte at kilusang kaliwa. Tinanggal ni Duterte sa gobyerno ang mga lider ng kilusang kaliwa.
Pinanghahawakan ni Duterte ang suporta ng China. Hindi nasasaktan si Duterte kapag tinatawag na taksil sa bayan. Ikinararangal pa niya ang taguri sa kanya. Nandiyan si Harry Roque at Sal Panelo, ang dalawang hindi kagalingan na abogado na nakahanda siyang idepensa.
Kakatwa ang sitwasyon dahil sa polemiko ng kilusang kaliwa, kasabwat ni Duterte ang ‘imperyalistang’ Amerikano. Hindi binabanggit ang China na tahasang hinagkan ni Duterte bilang kanyang tagapagtanggol. Mukhang iniligtas ang China sa anomang bintang.
***
MAY donasyon ang China na aabot sa isang milyon doses ng SinoVac. May donasyon ang United Kingdom na halos kalahating milyon doses ng Astra Zeneca. May parating na donasyon ang Estados Unidos sa Hunyo na 13 milyon doses ng Moderna. Pawang donasyon ang dumarating kahit ibinabando ni Duterte at mga kasama sa gobyerno na nakapangutang ang Filipinas para sa pambili ng bakuna.
Gayon pa man, mabuting magkaliwanagan nang maaga at iwasan ang hindi pagkakaunawaan sa mga detalye. Walang utang na loob ang sinumang Filipino sa gobyerno ni Duterte. Trabaho ni Duterte at sampu ng kanyang kasama sa pamahalaan na pangasiwaan ang pagbibigay ng bakuna sa 110 milyong Filipino.
Pananagutan niyang panatilihin ang mga Filipino sa mabuting kalusugan. Responsibilidad ng gobyerno ang seguruhin ang kaligtasan ng sambayanang Filipino ngayon at sa hinaharap.
Binuo ng World Health Organization (WHO) ang COVAX facility upang pagsama-samahin ang ambag ng mayayamang bansa upang bigyan ng bakuna ang mahihirap na bansa. Pinakamalaki ang ambag ng Estados Unidos na aabot sa $4 bilyon. Kasunod ng US ang Alemanya, $1.1 billion; United Kingdom, $735 milyon; European Union, $489 milyon; at Japan, $200 milyon.
Ayon sa Bise Presidente Leni Robredo maituturing ang Filipinas bilang isang “middle-income” na bansa, ngunit kasama ito sa talaan ng mga bibigyan ng bakuna sa ilalim ng COVAX facility. Kasama niya ang mahihirap na bansa tulad ng Cambodia sa Asya at Moldova sa Europa, at ang mahihirap na bansa sa Africa tulad ng Angola, Cote d’Ivore, at Democratic Republic of Congo. Kasama sa talaan ang Gambia, Ghana, Kenya, Lesotho, Nigeria, Rwanda, at Senegal.
Noong panahon ng administrasyon ni Noynoy Aquino, may reputasyon ang Filipinas bilang donor country na umahon sa kahirapan. Ngunit nawala ang reputasyon nang maupo si Duterte at bumagsak ang pambansang ekonomiya dahil sa maling pamamalakad at kawalang husay.
Post namin sa social media: “ALL NETIZENS: Don’t feel any debt of gratitude when you get vaccines from the gov’t. It is its job to promote public health and safety. They were donations and borrowed money was used to pay the rest. We don’t owe Duterte anything. Those vaccines came late. Gov’t’s a non-factor.”
BALARAW
ni Ba Ipe