MAY bagong electric buses ang lungsod ng Maynila na pansamantalang libreng magagamit ng mga pasahero sa lungsod.
Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paglulunsad ng COMET minibus kasama ni Global Electric Transport (GET) Philippines Chief Executive Officer Freddie Tinga.
Biyaheng Taft Avenue hanggang SM North EDSA ang inisyal na ruta ng 5 e-bus, na pinasinayaan nitong umaga ng Lunes.
Airconditioned, may CCTV, built-in acryllic barriers at fire extinguisher ang bawat isa sa 5 electric buses.
Kaya umano ng mga bus na magsakay hanggang 30 pasahero, kasama ang standing capacity, pero sa ngayo’y 14 muna ang isasakay bilang pag-iingat laban sa CoVid-19.
Ayon sa GET, higit P4 milyon ang halaga ng bawat unit ng e-bus, na kailangang i-charge nang 30 minuto para makatakbo ng 100 kilometro.
Makatutulong umano ang bus para mabawasan ang air pollution sa lungsod, mabigyan ng hanapbuhay ang mga kukuning driver, at mabawasan ang ingay na bunga ng mga pampublikong sasakyan.
Inaasahang hanggang Hunyo ay aabot sa 50 units ng electric buses ang magagamit sa Maynila.