NGAYONG araw ang balik-taping ni Sylvia Sanchez para sa teleseryeng Huwag Kang Mangamba kaya kakaba-kaba na naman siya dahil 20 days siyang mawawalay sa pamilya niya na kahit lagi niyang nakakausap ay iba pa rin kapag hindi sila magkakasama.
“Siyempre, ang tagal mong wala, iisipin mo anong nangyayari, tho alam ko namang safe sila, hindi naman sila magugutom kasi may magluluto naman for them, siyempre nami-miss ko sila. Hindi mo alam, eh. Anything can happen kaya lagi akong nananalangin at nagpapasalamat talaga sa Diyos,” sambit ni Ibyang.
Sa panahon ng pandemya ay hindi nawawala ang takot ng aktres lalo na kapag naaalala niya ang nangyari sa kanilang mag-asawa noong Abril 2020.
Marso 17 nang mag-total lockdown ang Pilipinas dahil sa Covid-19 pandemic at buwan ng Abril ay heto nadale na sina Sylvia at asawang si Art Atayde ng nakamamatay na virus.
Tanda naming kuwento ng aktres noon ay lugmok ang pamilya nila lalo na ang mga anak dahil hindi nila alam kung anong mangyayari sa magulang nila. Pero dahil mabait ang mag-asawa at walang tinapakang tao bagkus ay marunong silang mag-share ng blessings nila kaya nabigyan sila ng ikalawang pagkakataong mabuhay ng Diyos.
Kaya nga sabi ni Sylvia kung bad year sa karamihan ang 2020, sa kanila ay hindi dahil good year ito sa kanila.
“Para sa amin ito ah, sa pamilya namin. Hindi ko puwedeng sabihing bad year for us ang 2020 kahit nagka-covid kami kasi ang daming blessings na dumating sa pamilya namin. Totoo maraming nawalan ng work at kasama rin naman kami roon noong magsara ang ABS-CBN.
“Pero 2020 din nagbukas ang TV5 for Ria (Atayde), inalok siya ng APT (Entertainment) for a show, ‘yung ‘Chika Besh’ with Pokwang at Pauleen (Luna-Sotto), so may work siya, blessing ‘yun. Nagpaalam siya sa management kung puwede niyang tanggapin ‘yung offer, kasi kung binawalan siya, hindi naman niya tatanggapin, pero sobrang bait ng ABS kasi walang work kaya pinayagan siya.
“Tapos bandang September, heto may offer sa aking teleserye ‘yung ‘Huwag Kang Mangamba’ ang ganda ng role ko, Gloria level (karakter niya sa ‘The Greatest Love’), hindi ba ako magpapasalamat niyon? Bigla akong nagka-trabaho?
“Tapos si Arjo (Atayde), nanalong Best Actor sa 3rd Asian Academy Creative Awards 2020 for ‘Bagman,’ hindi ba blessing ulit ‘yun?
“Kaya ano ang dapat kong ipagsisi sa 2020? Ano ang dapat kong kuwestiyonin sa Diyos, eh, heto panibagong buhay tapos ang daming blessings sa pamilya ko.
“Mga anak ko sa awa ng Diyos hindi sila nagkakasakit, nanay ko na nasa Nasipit (Agusan del Norte) awa ng Diyos masigla, malakas, kaka-birthday lang (75 years old). Mga kapatid ko okay din.
“Pamilya ng asawa ko, lahat okay, walang may mga sakit. Kaya sobrang nagpapasalamat kami sa 2020 kahit nagka-covid kaming mag-asawa,” mahabang sabi ng aktres nang makatsikahan namin kamakailan.
Alam din namin lahat ng mga natulungan nila paglabas nila ng ospital at patuloy nilang tinutulungan ngayon na mga kababayang nangangailangan kaya sila nagbigyan ng ikalawang buhay dahil hndi pa tapos ang misyon nila sa buhay.
Samantala, excited si Sylvia sa Huwag Kang Mangamba serye nila na mapapanood na ngayong Marso 22 kapalit ng Ang Sa Iyo Ay Akin dahil maganda ang karakter niya at puwedeng i-level sa role niya sa The Greatest Love bilang si Gloria na may Alzheimers.
Natutuwa rin ang aktres sa mga bagets na bida sa Huwag Kang Mangamba na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Francine Diaz, at Kyle Echarri dahil magagalang, magagaling, at propesyonal.
Ang Huwag Kang Mangamba ay mula sa direksiyon nina Emmanuel Q. Palo, Darnel Joy Villaflor, at Jerry Lopez Sineneng handog ng Dreamscape Entertainment.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan