ISANG dating miyembro ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) ang naaresto makaraang mahulihan ng baril at mga bala nitong Biyernes, 5 Marso sa patuloy na kampanya kontra loose fireams ng PRO3-PNP sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni P/BGen. Valeriano de Leon, batay sa ulat ni P/Lt. Col. Michael Jhon Riego ang suspek na si Eddie Martin, 50 anyos, magsasaka, may asawa, dating miyembro ng RHB na kumikilos sa Pampanga at nagbalik-loob sa pamahalaan ilang taon na ang nakararaan at sumailalim sa amnestiya ng gobyerno.
Ayon kay Riego, agad nilang isinilbi ang search warrant na inisyu ni Hon. Judge Amor Dimatactac-Romero, Executive Judge, 3rd Judicial Region, Guagua, Pampanga sa tirahan ng suspek sa Purok 6, San Pedro Palcarangan, sa naturang bayan.
Matapos ang paliwanagan at pakiusapan, mapayapang isinuko ng suspek ang kanyang baril na kalibre .38, isang magasin, at pitong mga bala na walang kaukulang papeles.
Pahayag ni Martin, proteksiyon sa kanyang sarili ang itinatagong baril sakaling lusubin siya ng mga dating mga kasamahan sa kilusan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1866 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa PNP custodial facility.
(RAUL SUSCANO)