MANILA — Sa gitna ng pananabik na marating na sa bansa ang mga bakuna kontra CoVid-19, halos lahat ng mga local na pamahalaan (LGUs) ay nakapagsagawa ng kani-kanilang mga paghahanda—kabilang ang mga dry run, vaccination simulation at gayon din ang pag-iimbakan ng mga bakuna—sa sandaling masimulan ang rollout sa susunod na buwan.
Ayon sa mga opisyal ng gobyerno, ang mga bakuna na lamang ang kulang upang maisakatuparan na ang vaccination program kaya tanging paghihintay na lamang ang kailangang gawin ng publiko upang masimulan na silang mabakunahan, partikular ang medical frontliners, mga sundalo at pulis, maging mga tauhan ng media at iba pang mga nakalista sa prayoridad ng pamahalaan.
Ayon sa mga LGU, tiniyak nito na wala nang aalalahanin ang mamamayan dahil libreng ibibigay ang mga bakuna kaya hindi dapat agkaroon ng agam-agam ukol sa kung sino ang mauunang mabakunahan. Kinakailangan na lamang umano ang pagpa-parehistro sa lokalidad upang mabakunahan.
Sa kabila nito, nagbigay ng paalala ang mga doktor sa mga dapat gawin ng isang indibiduwal upang maihanda ang sarili bago magpabakuna.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, isa sa miyembro ng vaccine expert panel ng Department of Health (DOH), mahalagang maikondisyong mabuti ang pangangatawan ng isang taong tatanggap ng CoVid-19 vaccine.
Una, dapat ay may sapat na tulog at nakakain nang maayos ang magpapabakuna.
Pangalawa, hindi nakaranas ng pag-ubo o lagnat sa nakalipas na tatlong araw bago ang takdang araw ng pagpapabakuna. Kung may sipon lamang ay maaring maituloy ang pagpapabakuna.
Pangatlo at pinaka-mahalaga sa lahat, dapat ay nakahanda ang kaisipan ng magpapabakuna at wala nang anomang agam-agam dahil maaring maka-apekto ito sa pisikal na kondisyon.
“Talagang paghandaan mo siya. Maganda ang (kalusugan) mo, walang sintomas, walang ubo, walang lagnat at saka ang importante dito ready ka sa pagbabakuna,” payo ni Solante.
“Tanggalin mo rin ang takot mo dahil sa bakuna, minsan kapag nandoon pa rin ang fear mo o hesitations, baka kapag ini-inject iyan may mga ganoong klaseng kliyente na kapag tinurok, talagang natatakot. Baka mas lalong mag-magnify ang side effects,” dagdag nito.
Paliwanag ng doktor, normal na magkaroon ng side effects sa isang tao ang kahit anong bakuna.
Payo niya, iwasang uminom ng anumang gamot upang maibsan ang sakit na mararamdaman pagkatapos mabaku-nahan at sa halip ay agad na komunsulta sa doktor kung kinakailangan.
“Kadalasan kung mayroon kang lagnat kung sa tingin mo hindi kaya ng katawan mo very uncomfortable for you iinom ka ng parecetamol. Pero kung kaya naman as much as possible, wala tayong inumin. Uminom lang ng maraming tubig tapos i-monitor,” payo ni Solante.
“Tapos ang medyo masakit kung saan tinuturok ang bakuna. Usually nawawala iyan within 48 to 72 hours,” paniniguro ng doktor.
Nauna nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na magkakaiba ang contra-indications ng mga bakuna.
Gaya ng Pfizer-BioNTech na hindi puwedeng ibigay sa may mga allergy, maging sa mga buntis at breastfeeding mothers.
Ang Astrazeneca naman ay patuloy pang iniimbestigahan ang kaso ng mga elderly na namatay sa Norway matapos na mabakunahan nito.
Habang ang Sinovac ay hindi naman inirere-komendang gamitin sa healthcare workers na madalas ma-expose sa mga pasyenteng may CoVid-19.
(Kinalap ni Tracy Cabrera)