UMABOT sa halos P30-milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at mga makina sa paggawa ng sigarilyo ang nabuking nang salakayin ng mga awtoridad ang dalawang rice mill con warehouse nitong Biyernes, 26 Pebrero, sa bayan ng Orion, lalawigan ng Bataan.
Sa pahayag ni PRO3 P/BGen. Valeriano De Leon, ni-raid ng mga kagawad ng 2nd Provincial Mobile Group, Bataan PPO, at Orion Municipal Police Station, kasama ang Bureau of Customs, Japanese Tobacco Inc., bitbit ang Letter of Authority-Power to inspect and visit for violations (base sa Chapter 3 Sec. 224 ng Customs Modernization and Tarrif Act) ang Crisostomo Rice Mill con warehouse sa Sto. Domingo, sa naturang lugar.
Tumambad sa raiding team ang mga makina sa paggawa ng mga sigarilyo at raw materials na nagkakahalaga ng P20,000,000.
Sa follow-up operations, sinalakay ng mga awtoridad ang EBG rice mill/warehouse sa Balagtas, sa nabanggit na bayan, na pag-aari ni Eric Sioson, residente sa bayan ng Balanga, na nirentahan ng isang Tony Vargas, residente sa Malate, Manila, kung saan natuklasan ang bultong mga sako na naglalaman ng mga pekeng Winston red, Marvels red at green, Shuang XI red, Seven Stars, Jack Pot, at D&B, na nagkakahalaga ng P10,000,000.
Ang pagkakasukol sa dalawang bodegero ay bunga ng follow-up operations sa naunang pagkahuli ng isang flatbed trailer sa inilatag na checkpoint ng mga kagawad ng Limay PNP at pagkakakompiska ng halos P9-milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo noong nakaraang Martes, 23 Pebrero, sa parehong lalawigan.
(RAUL SUSCANO)