INARESTO ng mga awtoridad ang isang puganteng Chinese national, na hinihinalang konektado sa isang dating laboratory ng shabu sa lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 24 Pebrero sa bayan ng San Isidro, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang suspek na kinilalang si Kunsheng Chen, alyas Intsek/Jhony, 45 anyos, Chinese national, negosyante, residente sa Purok 7, San Roque, sa naturang bayan na nadakip sa Operation Manhunt Charlie sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Presiding Judge Mildred Villaroman-Hernal ng RTC Gapan Branch 35 na may petsang 19 Pebrero 2021 para sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa RA 9160 na inamiyendahan ng RA 9194 at RA 10365 o Anti-Money Laundering Act of 2001 na may itinakdang piyansang P140,000 bawat kaso para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Sa impormasyon ng mga awtoridad, may kaugnayan ang mga kasong isinampa laban sa suspek kaugnay sa pagkaaresto ng isang Xinli Chen, habang nakatakas ang suspek sa ginawang pagsalakay ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ibang Anti-Drugs Unit operatives sa isang shabu laboratory may ilang taon na ang nakararaan sa bayan ng Magalang, sa parehong lalawigan.
(RAUL SUSCANO)