ARESTADO ang 12 kataong nasa kasarapan ng pagpipinta ng kanilang mga baraha nang hindi namalayang ang mga inaakalang ‘miron’ sa kanilang likuran ay mga operatibang naglunsad ng raid kontra illegal gambling, nitong Lunes, 22 Pebrero, sa pinagdausang bahay pasugalan sa Mampulog St., Bitas, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Isinakay sa patrol car ng Cabanatuan City Police Station upang kasuhan ng PD 1602 ng anti-llegal gambling at paglabag sa safety health protocol kontra CoVid-19 ang mga nahuling limang kolektor ng STL (small tow lottery) at pitong mga sugarol.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Rommel Santos, 30 anyos; Leonida Manggahilla, 53 anyos; Lolita Villafuerte, 42 anyos; Ann Marie Abrinica; Rialyn Regalado, 21 anyos, pawang mga kolektor ng STL; at Eliseo Quijada, 60 anyos; Segundo Taruc Jr., 41 anyos; Rowell Quijada, 35 anyos; Ronell Quijada, 25 anyos; Mary Joy Capulong, 28 anyos; Roderick de Lara, 40 anyos; at Lenie Segundo, 47 anyos, pawang mga residente sa naturang lungsod.
Kinompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang limang set ng baraha na ginamit ng mga suspek sa pagsusugal ng tong-its at poker maging ang mga tayang perang nagkakahalaga ng P1,500. (RAUL SUSCANO)