WALANG ginawang direktang pakikipagnegosasyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Sinopharm, ayon sa Palasyo.
“He (Duterte) did not deal directly with Sinopharm,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
Ang pahayag ni Roque ay taliwas sa rebelasyon ni special envoy to China Ramon Tulfo na saksi siya nang kausapin ng Pangulo sa kanyang cell phone ang kinatawan ng Sinopharm.
Sa kanyng column sa Manila Times ay inilahad ni Tulfo na pinahiram niya ang kanyang cellhone kay Pangulong Duterte para kausapin ang Sinopharm representative sa bansa.
Isiniwalat niya na hiniling ng Pangulo na bigyan siya ng samples ng CoVid-19 vaccine para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Inamin ni Tulfo na siya at ilang hindi tinukoy na mga opisyal ng gobyerno ay naturukan ng Sinopharm CoVid-19 vaccine noong Oktubre 2020.
Ikinuwento niya umano sa Pangulo na wala siyang naramdamang masamang side effect sa bakuna.
Tikom ang bibig ni Roque sa mga rebelasyon ni Tulfo.
“Wala po akong reaksiyon diyan dahil sa panahon ng pandemiya, naiintindihan ko po na maraming gusto talagang magkaproteksiyon. Pero ang sinasabi natin sa lahat, hintayin po nating dumaan sa proseso for our own interest” ani Roque.
(ROSE NOVENARIO)