DUMALO sa pagpupulong na pinangungunahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga kawani ng Arayat Municipal Police Station sa pamumuno ng kanilang hepeng si P/Lt. Col. Eduardo Guevarra, lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Emmanuel Alejandrino, DILG, Engineering Department, MDRRMO, Municipal Health Officers, at mga kapitan ng barangay, nitong Lunes, 22 Pebrero, sa Municipal Function Hall, Plazang Luma, sa bayan ng Arayat, lalawigan ng Pampanga.
Sa pagtitipon, binigyang diin ng IATF ang pagpapaigting sa pagpapatupad ng mandatory minimum health safety protocol na inilatag ng pamahalaan upang maiwasan at mapigilan ang pagkalat ng CoVid-19 sa mga komunidad sa pamamagitan ng wastong pagsuot ng facemask, face shield, social/physical distancing, at palagiang paghuhugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon.
Pinaaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga kapitan ng barangay sa naturang bayan kaugnay sa pagsagawa ng road clearing sa kanilang nasasakupan at pagroronda upang mapigilan ang krimen, kaantabay ang police patrollers sa kanilang area of responsibilities (AOR), gayon din sa pagpapatupad ng curfew hours.
(RAUL SUSCANO)