HINDI biro ang ilatag ang isang matinong programa para bakunahan ang 70 milyong Filipino sa buong 2021. Ito ang target ng gobyernong Duterte ngunit hindi namin alam kung may nailatag na programa. Napakahirap na trabaho ito para sa isang lingkod bayan.
Likas na batugan si Duterte. Hindi siya masipag. Hindi siya nakikisangkot. Iniwan niya ang lahat ng trabaho sa kanyang mga alalay. Hindi kaya ng mga ayudante ang paglalatag ng isang malaki ngunit mabisang programa sa bansa. Problema iyan sa ngayon.
Inamin ng mga ayudante noong Lunes ng gabi sa harap ng telebisyon na wala silang naisarang vaccine supply contract sa mga gumagawa ng bakuna kontra pandemya. Bagaman nagpilit na magkaroon, hindi sila nagtagumpay.
Tagumpay naman ang kanilang mga simulation exercises. Wala nga lang ang mga bakuna. Hanggang exercises lang ba ang programa?
Dahil walang maiulat na maganda ang kanyang mga ayudante sa pumapalpak na gobyerno, hindi maalis sa isip kung may pupuntahan ang kanyang administrasyon sa pagpapatupad ng anumang programa sa bakuna. Mukhang wala.
Upang pagtakpan ang kapalpakan, inupakan ni Duterte si Bise Presidente Leni Robredo upang ipagkaila na nangingikil sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos at Filipinas. Ipinagmagaling niya na bilang pangulo, siya ang tanging may karapatan pagdating sa usapin ng foreign policy (o polisyang panlabas).
Maling-mali, hindi niya naiintindihan ang Saligang Batas. Ayon sa Konstitusyon, ang pangulo ang arkitekto ng foreign policy. Ngunit hindi ito nangangahulugan na walang partisipasyon ang mga sektor ng lipunan sa paghubog ng foreign policy. Hindi ito monopolyo ng pangulo dahil kabilang ang maraming tao sa paghubog.
Kailangan ang input ng ibang sektor – mambabatas, politiko, akademiko, think tank, negosyo, taong relihiyoso, at kahit mga pangkaraniwang mamamayan – sa paggawa ng foreign policy. Hindi ito kontrolado at dumating sa punto na dinidiktahan ng pangulo. Mukhang hindi niya alam ang kanyang constitutional law.
Biglang linaw tuloy na kinakatawan ni Robredo ang totoong oposisyon, o ang maraming demokratikong organisasyon at kilusan sa bansa. Ang puwersang tumututol sa awtoryanismo ang totoong oposisyon sa bansa. Si Duterte na ang nagbigay linaw sa isyung ito.
***
ISANG taon na ang pandemya sa bansa ngunit hanggang ngayon, walang linaw kung ano ang direksiyon ng bansa. Bagaman sinabi ni Duterte na umaasa ang kanyang gobyerno sa bakuna, hindi malinaw kung may darating na bakuna kahit na maraming bansa ang may sariling rollout at nagkakagulo sa pagpapatupad ng kanilang programa. Hanggang nganga lang daw tayo.
Walang malinaw na estratehiya kung paano babakunan ang 70 milyon Filipino sa taong ito. Pulong nang pulong lang sila kahit na walang malinaw na paraan kung paano dadalhin ang mga bakuna. Hindi rin malinaw kung darating ang mga bakuna.
May kumukutya na malaki ng papel ni Sonny Dominguez, kalihim ng pananalapi, sa programa. Siya ang kumikilos upang mangutang sa ibang bansa. Siya ang lumalapit upang magkaroon ng pondo ang programa sa bakuna (kung may programa nga). Siya ang kumakausap sa mga kinatawan ng World Bank, Asian Development Bank, at Asian Investment Infrastructure Bank.
Si Dominguez ng pangunahing economic manager sa bansa. Bahagi siya ng Davao Group, o ang binansagang “Inferior Davao,” ang pangkat ng mga taong gobyerno na galing sa Katimugan. Hindi sila kilala sa kagalingan. Marami sa kanila ang matulis ang dila ngunit hindi kailanman ang diwa.
Hanggang saan ang kontrol si Dominguez sa naghaharing uri ay isang bagay na hindi malinaw. Siya na yata ang Cesar Virata ni Duterte na kung wala si Domingez, hindi na makagalaw ang gobyerno. Totoo ba ito?
***
Maugong na si Sonny Trillanes ang napipisil na katambal ni Leni Robredo sa 2022. Totoo kaya?
BALARAW
ni Ba Ipe