NALAMBAT sa police operations ang isang premyadong sharpshooter sa pag-iingat ng bultong iba’t ibang mga bala at baril sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad nitong Huwebes, 18 Pebrero, sa kanyang tahanan sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga sa pinaiigting na kampanya kontra loose firearms ng PRO3-PNP.
Ayon kay P/BGen. Valeriano de Leon, isinilbi ang search warrant (SW) ng mga tropa ng Regional Intelligence 3, SWAT, 1st Provincial Mobile Force Company, Lubao Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit bilang lead unit na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek na kinilalang si Ariel Serrano, nasa hustong gulang, residente sa San Pedro, Palcarangan, sa naturang bayan.
Nakompiska ng raiding team sa kanyang pag-iingat ang 113 pirasong bala ng kalibre .40 baril na target ng SW, siyam na bala ng 12 gauge shotgun, at 140 pirasong bala ng 9mm.
Bago ang paghalughog ng mga operatiba, una nang isinuko ng suspek ang kanyang baril na Shadow 9mm caliber, dalawang magasin at 18 bala nito.
“May this serves as a stern warning to all those who have not yet renewed their licenses or turned over their undocumented firearms in their nearest police station for safe keeping. We have been continuously beefing up our aggressive campaign against loose firearms through continuous police operations,” pahayag ni De Leon. (RAUL SUSCANO)