MARIING kinondena nina Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at Rep. Ruffy Biazon ang walang-awang pagpatay sa isang traffic enforcer na binaril sa ulo ng isang hindi kilalang suspek na naganap kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Dead on-the spot dahil sa isang tama ng bala sa likod ang biktimang si Daniel “Utoy” Manalo, 39 anyos, supervisor at miyembro ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB), ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa.
Kaugnay sa patraydor na pagpaslang kay Manalo, nag-alok si Fresnedi ng P100,000 pabuya sa publiko sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng suspek para sa ikalulutas ng krimen.
Gayon din si Biazon na nag-alok din ng P100,000 pabuya at nanawagan sa publiko na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon sa awtoridad sa ikadarakip ng suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naka-duty noon si Manalo nang mangyari ang insidente dakong 7:10 pm, sa kahabaan ng National Road, Brgy. Tunasan, Muntinlupa.
Nabatid na si Manalo at kasamang traffic enforcer na si Saimon Pagulayan, 29 anyos, ay nagsagawa ng anti-tricyle operation sa highway nang maisipang pumasok sa isang tindahan.
Ayon kay Pagulayan, may tumawag sa cellphone ni Manalo kaya’t lumabas sila at habang may kausap biglang lumapit ang isang lalaki na armado ng baril saka pinaputukan ang biktima sa ulo.
Mabilis na naglakad patakas ang gunman matapos isagawa ang krimen.
Inilarawan naman ni Tez Valencia, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa, na si Manalo ay mabuting tao, maayos na tumutupad sa kanyang tungkulin, at magalang. (MANNY ALCALA/JAJA GARCIA)