NAILIGTAS ang aabot sa 52 kababaihan habang arestado ang limang mga bugaw sa isinagawang pagsalakay sa isang prostitution den ng mga kagawad ng Special Concern Unit (SCU), Anti- Trafficking Task Group RATG), at Mabalacat City Police Station ng PRO3-PNP at DSWD 3 nitong Biyernes, 12 Pebrero, sa Fontana Leisure Park, Clark Free Port Zone, lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni P/BGen. Valeriano de Leon ang mga naarestong suspek na sina Lauren Sta. Iglesia, Alyssa Bautista, kapwa ng lungsod ng Angeles; Hazel Sanchez, ng lungsod ng Mabalacat; Meli Nago, ng bayan ng Binangonan, lalawigan ng Rizal; at Prince Cedrick Galang, ng bayan ng Bantog, lalawigan ng Tarlac, pawang mga bugaw sa KTV bar na hinihinalang sangkot sa prostitusyon.
Sa imbestigasyon, nagpanggap na kostumer ang mga operatiba at pumili ng kanilang natitipohang babaeng ibinubugaw ng mga suspek sa halagang napagkasunduan kapalit ng puri ng biktima.
Sa pahayag ng ibang biktima, modus ng establisimiyento ang pagha-upa ng mga modelo sa pamamagitan ng online recruitment ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay prostitusyon ang kanilang kasasadlakan.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang operator ng KTV bar, habang papatawan ng kasong paglabag sa RA 10364 o Anti-Trafficking in Person Act of 2012 ang mga suspek na nasa kustodiya ng raiding team.
(RAUL SUSCANO)