MANILA — Kasunod ng survey ng pollster na Social Weather Stations (SWS) na nagbigay indikasyon sa paniniwala ng mga Pinoy na palipas na ang problema sa pandemyang coronavirus sa bansa, muling nagbabala ang health experts sa lumalaganap na complacency o pagwawalang-bahala ng publiko, lalo ang mga kabataan, sa pagsunod sa minimum health safety standard na itinakda para mapigilan ang pagkalat ng CoVid-19.
Ayon sa mga eksperto, ang pagbabalewala sa mga quarantine protocol ay maaaring magresulta sa pagtaas ng bilang ng pang-araw-araw na impeksiyon at transmisyon ng sakit sa buong bansa, partikular sa mga sentro ng urbanidad at mga lugar na maraming mga tao tulad ng Davao City ay Metro Manila.
Ang pagwawalang-bahala, punto ng mga doktor, ay kasalukuyang inilalarawan sa paniniwala ng karamihan ng mga Pinoy na lumipas na ang pinakamasamang punto ng pandemya, umabot sa 543,282 impeksiyon, kabilang ang 11,469 nasawi.
Batay sa survey ng SWS, 69 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwalang lumipas na ang pinakamahirap na yugto ng CoVid-19. Ito ay tumaas mula sa naitala noong Setyembre ng nakaraang taon, na lumitaw na 47 porsiyento ang naniniwalang lumipas ang pinakamasama ukol sa krisis.
“This belief could worsen the situation. Gumaganda na nga dahil unti-unti nang nagbabalik sa normal ang sitwasyon at nagbubukas na rin ang ating ekonomiya. Pero baka maglaho ang lahat kung magiging pabaya tayo sa ating pag-iingat laban sa CoVid-19,” opinyon ng isang doktor mula sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Sinuportahan ito ng isa pang doktor na nagsabing nasaksihan niya sa maraming mga pampublikong lugar at gayon din sa mga pampublikong sasakyan kung paano binabalewala ng mga tao ang health safety protocols, partikular ang social distancing at pagsusuot ng face shield.
“Marami ang hindi na sumusunod sa mga protocol. Nakikita ko iyong iba, nakababa ang kanilang face mask at nakataas ang face shield sa ulo na para bang ginawang bubong habang magkakadikit-dikit at nagkukuwentohan pa,” aniya.
Ayon sa virus experts, sa kabila ng pagkaka-develop ng bakuna laban sa novel coronavirus o nCoV, ang mga taong mababakunahan ay kinakailangan pa rin sumunod sa physical distancing at magsuot ng face mask at face shield para matiyak na hindi na sila dadapuan ng sakit o makahahawa sa ibang mga indibiduwal. (Tracy Cabrera)