TINATAYANG P6,600,000 halaga ng bloke-blokeng “kush” ang nakompiska mula sa isang Igorot sa inilunsad na malakihang entrapment operations ng mga awtoridad nitong Huwebes ng madaling araw, 11 Pebrero, sa lungsod ng San Jose, lalawigan ng Nueva Ecija, sa pinaiigting na kampanya kontra kriminiladad ng Philippine National Police (PNP) Central Luzon.
Ayon sa pahayag ni P/Col. Jaime Santos kay P/BGen. Valeriaro de Leon, nadakip ang suspek sa operasyong ikinasa ng magkasanib na puwersa ng NEPPO drug enforcement unit, SOU 2, bilang lead unit, kaantabay ang 1st PMFC, Bataan PNP sa pamumuno ni P/Col. Joel Tampis, RIU3, R2, at PDEA3 (Bataan-Nueva Ecija) sa pamumuno ni Director Christian Frivaldo.
Kinilala ang suspek na isang alyas Jayson, 21 anyos, tubong lungsod ng Baguio, residente sa Samoki Lingkawa Riverside, sa lalawigan ng Bontoc, Mountain Province, na sinasabing illegal drug courier sa lalawigan.
Nabatid na malawak ang area ng suspek sa mga rehiyon ng Cagayan Calley, Central Luzon, Cordillera, at NCR at sinasabing nakapagde-deliver ng aabot sa 50 kilong “kush” isa o dalawang beses sa isang buwan, o depende sa order ng mga kliyente.
Nakompiska ng raiding team ang isang Isuzu dump truck, may plakang NOF 271, limang kahong bloke ng kush, isang kalibre .22 baril at mga bala, isang radyong Baofing, IDs, mga bala ng 9mm pistol, at marked money.
Samantala, sa kaugnay na operasyon, napaslang ang isang hindi kilalang suspek sa inilatag na Oplan Sita ng mga kagawad ng 3O3rd MC, RMFB 3, at Gapan City Police Station.
Sakay ng motorsiklong walang plaka ang suspek pero imbes huminto ay binalewala ang random checkpoint ng mga awtoridad at habang umaarangkada ay pinuputukan ang nakamandong tropa na agad gumanti ng mga putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek, nitong Huwebes, 11 Pebrero, dakong 4:45 am, sa Brgy. Malipon, sa lungsod ng Gapan, sa nasabing lalawigan.
(RAUL SUSCANO)