HUWAG abalahin ang pagdating ng mga bakuna sa iba’t ibang panig ng bansa, ani Rodrigo Duterte sa telebisyon noong Lunes ng gabi.
Akala namin marami ang bakuna, isang malaking rollout ang gagawin at milyones ang babakunahan. Trial lang pala iyon at nasa 117,000 doses ang ipamamahagi.
Hindi ito aktuwal na rollout. Isang malaking trabaho ang rollout dahil nasa 110 milyon ang populasyon ng bansa. Kailangan dalhin ang bakuna sa iba’t ibang panig ng bansa. Dito nakasalalay ang tagumpay ng bakunang bayan sa atin.
Magpipilit ang gobyerno ni Duterte na magkaroon ng bakunang bayan. Kahit ang mga mas mahihirap na bansa tulad ng Afghanistan, Bangladesh, at Pakistan ay may bakuna na ibinibigay nang libre sa kanilang mga mamamayan. Ngayon, bokya ang Filipinas sa bakuna. Napag-iwanan dahil isa ang Filipinas sa mga huling bansa na kumilala sa pandemya.
Pinipilit ni Duterte na palabasin sa buong mundo na kontrolado niya ang sitwasyon kahit na hindi siya totoong nagtatrabaho dahil sa katamaran o sakit. Noong Lunes, binalaan niya ang Communist Party of the Philippines at ang New People’s Army na huwag makialam lalo sa mga liblib na lugar. Hindi namin maaalis ang humalakhak dahil kinokompirma niya na may poder at lakas ang mga kaaway ng estado sa ilang bahagi ng bansa.
Sapagkat kaunti lang ang paparating na bakuna, hindi maalis na magtanong kung pinagbibigyan lamang si Duterte ng mga kompanya ng bakuna para huwag mapahiya sa mga mamamayan. Napakamot na lang kami ng ulo.
Sandata pampolitika ang bakuna, sa totoo. Hindi ordinaryong gamot na iniinom kung masakit ang ulo. Noong 9 Nobyembre 2020, nag-usap ang mga kinatawan ng mga kasaping bansa ng United Nations Commission on Human Rights na gamitin ang bakuna upang himukin ang ibang bansa na sumunod sa pandaigdigang tratado at kasunduan sa karapatang pantao.
Bagaman hindi sinabi nang deretso, hinikayat ng United Nations Commission on Human Rights (UNHCR) na huwag bigyan ng bakuna ang mga gobyernong patuloy na lumalabag sa karapatang pantao. Hindi sinabi na kasama ang gobyerno ni Rodrigo Duterte sa mga huwag bibigyan ngunit may lakas ang UNHCR. Hindi namin batid kung magbibigay ang mga kompanya ng bakuna. Maaaring makialam ang mga bansa ng mga kompanya sa pagluluwas.
Ambisyoso ang programa sa bakunang bayan ng bansa. Kalagitnaan ng 2020 at kasagsagan ng pandemya nang ipahayag ni Duterte sa madla na nakasalalay sa isang bagay ang kaligtasan ng Filipinas: bakuna. Tanging bakuna ang magsasalba sa Filipinas, aniya.
Ito ang dahilan kung bakit gumawa ang pangkat ni vaccine czar Carlito Galvez ng programa upang makakuha ng 148 milyon ng vaccine doses at bakunahan ang 50 milyon hanggang 70 milyon Filipino sa 2021. Itinuturing na kailangan mabakunahan ang 60 porsiyento ng populasyon sapagkat ito ang kailangang herd immunity kontra CoVid-19.
Walang problema sa detalye ng programa. Ngunit nakalulungkot isipin na may pamantayan ang mga maunlad na bansa at mga kompanya sa bakuna sa usapin ng mga bibigyan. Hindi sapat ang salapi bagaman malaking bagay kung may pera. Ginagamit na bakuna upang igiit ang democratic agenda ng ibang bansa.
Makakukuha ang Filipinas ng bakuna mula sa China sapagkat hindi nila iniintindi ang human rights record ng mga bumibili ng bakuna. Ngunit mahal ang presyo at may katanungan sa bisa ang bakuna galing China. Walang tiwala ang sambayanang Filipino sa kanilang bakuna.
Gagawin ngayong buwan ang trial ng bakunang bayan. Pinag-iisipan ng gobyerno ang paghahatid ng bakuna, pag-iimbak, at paggawa ng masterlist. Mukhang makakukuha ng bakuna sa pitong kompanya kahit lima lamang nagkapirmahan: Pfizer, AstraZeneca, Moderna, Novavax, Sinovac, Gamaleya, and Johnson & Johnson (Janssen Pharmaceuticals).
Ngunit huwag magkamali sapagkat hindi bakunang bayan ni Duterte ang malaking bahagi ng nakasalang na programa. Bakunang bayan ng ilang progresibong kompanya para sa kanilang mga empleyado at kaanak at mga maunlad na LGU. Hindi malaman kung may bakunang bayan na sarili ang gobyerno ni Duterte. Inamin ni Duterte na walang pera ang gobyerno niya.
Isa pa, uutangin ang bakuna na makukuha ng national government. Sapagkat salat sa salapi, mukhang kukunin ng national government ang salaping pambili sa World Bank, Asian Development Bank, at Asian Infrastructure Investment Bank. Hindi naghanda ang gobyerno ni Duterte ng bakunang bayan.
BALARAW
ni Ba Ipe