PATAY ang isang hinihinalang tulak habang 12 ang nadakip ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na police operations noong nakaraang Biyernes, 29 Enero, sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Base sa ulat ni P/Col. Marvin Joe Saro, direktor ng Nueva Ecija Provincial Police Office, kay PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon, kinilala ang napatay na si alyas Ipe, residente sa lungsod ng Cabanatuan.
Nabatid, nang matunugang pulis ang katransaksiyon, nanlaban sa mga operatiba ng SDEU Cabanatuan ang suspek sa inilatag na anti-narcotics operation na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Samantala, sumuko ang dalawang kasamahang kinilalang sina Jerwin Gonzales at Melody Cabiso, kapwa kabilang sa drugs watchlist at pawang mga residente rin ng naturang lungsod.
Nasamsam ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) mula sa mga suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu, at marked money, samantala nakuha sa tabi ng bangkay ni alyas Ipe ang kalibre .45 baril na may magasin at mga bala.
Arestado rin ng mga kagawad ng Cabiao Station Drug Enforcement Unit sa hiwalay na operasyon ang apat na hinihinalang tulak na sina Jheann Macapagal, 20 anyos; Kyle Charles Gonzales, 19 anyos; isang menor de edad na hindi na pinangalanan, nahulihan ng walong gramong pinatuyong dahon ng marijuana; at Regie Dayao, 42 anyos, nakompiskahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu at marked money, pawang mga residente sa bayan ng Cabiao, sa naturang lalawigan.
Nalambat din sa Operation Manhunt ang anim na wanted sa batas na may iba’t ibang kaso na kinilalang sina Jon Jon Rarama, 28 anyos; CJay Sambito, 28 anyos; Zenaida Rapadas, 51 anyos; Anselmo Bautista, 39 anyos; Armando Magsino, 40 anyos; at Marko Maximo, 39 anyos, pawang residente ng nabanggit na lalawigan.
(RAUL SUSCANO)