NASUKOL ang limang drug suspects sa ginawang paglusob ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang lead unit, Nueva Ecija Police Provincial Police Office, at Cabanatuan Station Drug Enforcement Unit sa minamantinang drug den ng mga suspek sa Villa Benita Subd., Concepcion, sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Lunes ng umaga, 1 Pebrero.
Arestado ng mga awtoridad ang pinaniniwalaang talamak na tulak ng ipinagbabawal na gamot na kinilalang si Romeo Zarte, 46 anyos, at apat niyang mga kasamahang sina Gary Cañete, 36 anyos; Maximo Fernando, 60 anyos; Lito Dagdagan, 50 anyos; at Mylene Pineda, 42 anyos, pawang kabilang sa drugs wachtlist ng PDEA 3 at PRO3 at mga residente ng lalawigan ng Nueva Ecija.
Narekober ng mga operatiba sa loob ng kubo ang apat na paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 20 gramo at nagkakahalaga ng P136,000, bultong basura ng iba’t ibang paraphernalia ng pinanggalingan ng pot session, at marked money na ipinain sa drug bust.
Nakatakdang ipresenta sa piskalya upang humarap sa inquest proceedings ang mga suspek sa paglabag sa mga probisyon ng RA 9165 o The Dangerous Drug Act of 2002. (RAUL SUSCANO)