SA Pebrero 5, Biyernes ilalabas ni Iñigo Pascual ang version niya ng awiting All Out Of Love, ang sumikat na kanta ng Air Supply noong 1980 sa buong mundo.
Ramdam kay Inigo ang emosyong iniwan ng minamahal sa bagong pop version ng kanta na may tunog rap ballad hatid ng music producer na si Moophs gamit ang gitara.
Ang nasabing awitin ang una sa series ng Air Supply remake na nakatakdang gawin ng ABS-CBN Music sa ilalim ng Tarsier Records ngayong 2021. Alinsunod din ito sa inaabangang Valentine’s Day US campaign ng Air Supply.
Unang inawit ng British-Australian soft rock duo na Air Supply ang All Out Of Love at isinulat nina Graham Russell at Clive Davis. Inabot ng kanta ang no. 2 sa Hot 100 ng Amerika, naging no. 11 din sa Top 40 ng UK, at kinilala bilang 100 Greatest Love Songs sa 2003 list ng VH1.
Ang All Out Of Love na nga ang latest collaboration nina Inigo at Moophs, na kamakailan ay naglabas ng dancehall-pop tune na Always na naging bahagi ng The 100 Best Songs of 2020 ng Apple Music.
Kabilang din ang dalawa sa awiting RISE tampok ang international artists na sina Eric Bellinger (USA), Sam Concepcion (PH), Zee Avi (Malaysia), at Vince Nantes (USA).
Sila rin ang nasa likod ng awiting Catching Feelings na mayroon nang higit sa 10 million streams sa Spotify at 100K dance challenge entries sa iba’t ibang social media platforms.
Patuloy si Inigo sa pagtataguyod ng kanyang musika sa global stage lalo na’t inaabangan ang ilalabas niyang Options album ngayong 2021 na nagtatampok sa mga kolaborasyon niya kasama ang iba’t ibang international artists.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan