EERE ang ASAP Natin ‘To sa TV5 sa Linggo, Enero 24 kaya hindi na puwedeng i-extend ng isa pang Linggo ang Sunday Noontime Live para pormal na magpaalam ang mga host na sina Maja Salvador, Ricci Rivero, Jake Ejercito, Catriona Gray, at Piolo Pascual sa kanilang viewers na tumutok sa kanila sa loob ng tatlong buwan simula ng mag-umpisa ito noong Oktubre 18, 2020.
Ito ang ibinigay na dahilan ng CEO at Chairman ng TV5 na si Manny Pangilinan kay Johnny Manahan sa hiling nitong pagbigyan sila ng isa pang linggo. Huling episode ng SNL nitong nakaraang Linggo, Enero 17 na replay pa.
Ayon sa panayam ni James Patrick Anarcon ng PEP.ph kay Mr. M (tawag kay Mr Manahan), sinagot siya ni Chairman Pangilinan ng, ”Sorry, ha. Naibigay na namin sa iba (slot).’ And iyong iba happens to be ‘ASAP!’”
May mga tinanungan kaming bosses ng Kapamilya Network tungkol dito pero hindi kami lahat sinagot.
Si Mr. M ang dating direktor ng ASAP sa loob ng ilang dekada at kaya lang niya tinanggap ang alok ng Brightlight Productions producer na si ex-Congressman Albee Benitez para magdirereye ng Sunday Noontime Live ay para magkaroon ng trabaho ang mga ka-trabaho niyang na-retrench dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Mahina ang signal ng TV5 kaya mahina ang ratings at hindi kumikita ang dahilan ng producer na si Benitez kay Mr. M kaya kinansela na kaagad ito kahit wala pang anim na buwan na base sa napagkasunduan noong ialok ito sa rating Star Magic honcho.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan