NAAAGNAS na ang mga labi nang matagpuan sa isang bangin sa lungsod ng Tagaytay ang tatlong miyembro ng LGBT community na ilang linggo nang nawawala matapos dukutin ng mga armadong lalaki sa lungsod ng Bacoor, sa lalawigan ng Cavite noon pang Disyembre.
Nabatid na nagsasagawa ng routine maintenance ang ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lugar nang maamoy nila ang masangsang na amoy na nagturo sa kanila sa dalawang bangkay.
Kinilala ang dalawang labi na sina Lino Kinalenta, alyas Nicole; at Mark Ian Edrina, alyas Erica, kabilang sa tatlong LGBT member na nawawala.
Nang magbalik sa lugar ang mga awtoridad, dalawang bangkay pa ang nakita at natukoy ang isa na si alyas RR, kagawad ng Brgy. Zapote Uno.
Ayon sa kapatid ni alyas Erica na si Sherly Mae Generelao, noong 19 Disyembre pa nawawala ang kanyang kapatid matapos kunin ng mga nagpakilalang mga awtoridad.
Walang maisip na dahilan ang pamilya ng tatlo upang dukutin ang mga biktima dahil wala raw silang mga kaaway at hindi sangkot sa ilegal na droga.
Nanawagan sila sa mga may nalalaman sa pangyayari na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
“Sana naman po kung mayroon pong naka-ano or naka-witness man lang po or naka-ano man lang po na ano, sana po maituro man lang po ‘yung mga gumawa nito kasi hindi naman po dapat ito mangyari sa ano namin kasi mabait na tao naman po ‘yun,” pakiusap ni Generelao.
Kabilang sa mga inaasahan na makatutulong sa paglutas sa krimen ang ilang kabataan na kasamang kinuha ng mga suspek ngunit pinalaya rin kinalaunan.