BINAWIAN ng buhay ang isang lalaki, habang higit sa 100 bahay ang nasira nang rumagasa ang matinding pagbaha sa malaking bahagi ng lalawigan ng Negros Occidental, nitong Biyernes, 8 Enero.
Kinompirma ni Silay City Mayor Mark Golez nitong Sabado, 9 Enero, na natagpuang wala nang buhay ang 43-anyos na si Marvito Lumanog sa Brgy. Guimbalaon matapos makulong sa kaniyang bahay nang magiba nang gumuho ang lupa.
Samantala, nagiba ang may 132 kabahayan habang 71 bahay ang napinsala dahil sa matinding pagbaha sanhi ng walang tigil na pag-ulan simula noong Biyernes ng umaga.
Sa lungsod ng Silay, nagiba ang 17 bahay habang 119 ang napinsala, samantala 13 ang nagiba sa lungsod ng Talisay, at 50 ang napinsala.
Naiulat ang dalawang nasirang bahay sa mga lungsod ng Cadiz at Sagay.
Tinatayang naapektohan ng pagbaha ang higit sa 8,000 pamilya na kinabibilangan ng higit sa 30,000 indibidwal sa 58 barangays sa mga lungsod ng Talisay, Silay, Victorias, Cadiz, at Sagay, at sa mga bayan ng E.B. Magalona at Manapla.
Bumalik ang karamihan sa mga bakwit sa kanilang mga bahay habang nananatili ang iba sa mga evacuation center ng bawat barangay.