DALAWANG hinahinalang tulak ang naaresto at nakompiskahan ng tinatayang P8.5 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na anti-drug operations sa lalawigan ng Maguindanao nitong Miyerkoles, 6 Enero.
Sa buy bust operation na ikinasa sa Brgy. Dalican, sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, pasado 11:00 am, agad nadakip ang dalawang tulak matapos ibigay sa poseur buyer ang tinatayang 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,700,000.
Ayon kay Agent Anthony Naive ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naganap ang transaksiyon sa kahabaan ng national highway.
Nakompiska din mula sa mga suspek na kinilalang sina Sabir Tahir Omar, at Inar Bulilo, ang isang motorsiklo, mga cellphone, marked money, at iba’t ibang mga ID.
Dagdag ni Naïve, isinailalim sa surveillance ang dalawa nang mahigit isang buwan bago ginawa ang pag-aresto.
Kasalukuyang nakadetine ang dalawang suspek sa PDEA detention cell sa lungsod ng Cotabato.
Samantala, sa isa pang operasyon na ikinasa ng magkasanib na puwersa ng PDEA, pulisya, at Philippine Marines, nakatakas ang isa pang drug dealer matapos maibigay ang isang kilong shabu sa poseur buyer sa harap ng isang pampublikong paaralan sa Brgy. Dalomangcob, sa bayan ng Sultan Kudarat.
Tinatayang nagkakahalaga ng P6,8oo,ooo ang nasabat na droga.
Ani Naive, nakatunog ang suspek, na kinilala sa alyas na Saddam, na undercover agent ang kaniyang katransaksiyon kaya mabilis na tumakas matapos maibigay ang plastic bag na naglalaman ng shabu.