MAS malaki ang posibilidad ng erectile dysfunction (ED) sa kalalakihan sanhi ng labis na panonood ng pornograpiya — kahit pa bata at malusog ang mahihilig manood nito, ayon sa bagong pag-aaral.
Binatay ang mga resulta sa pag-aaral, na iniharap kamakailan lang sa virtual congress ng European Association of Urology, sa sinuring 3,267 kalalakihan sa Belgium, Denmark, at United Kingdom, na kinompleto ang online questionnaire ukol sa kanilang masturbation habits, kung gaano kadalas sila manood ng porn at ang kanilang mga karanasan sa pakikipagtalik.
Napagalaman na ang mga lalaking sinuri na nag-ulat ng mahigit 70 minuto o labis na panonood ng porn kada linggo ay nagkaroon ng “less satisfying partnered sex” at mas may posibilidad na makaranas ng erectile dysfunction o pagbaba ng kanilang libido.
Sinabi ng mga researcher na inasahan nilang magkaroon ng ugnayan dito subalit nagulat sila kung gaano karami sa mga kabataang lalaki ang mayroong erectile dysfunction at napagalaman din na mahihilig silang manood ng porn.
Ang erectile dysfunction, o kawalan ng abilidad para mapanatili ang ereksiyon habang nakikipagtalik, ay sinasabing nakaaapekto sa aabot 30 milyong kalalakihan sa buong mundo.
Ang stress ay maaaring maging sanhi din ng ED, o isa pang underlying illness, ngunit ang edad ang pinakapangkaraniwang risk factor nito.
Ayon sa School of Medicine ng University of Wisconsin, nakaaapekto ang mild hanggang moderate erectile dysfunction sa 60 porsiyento ng mga lalaki na nasa edad 60 pataas, bilang na tumataas habang nagkakaedad ang isang lalaki at nakapagde-develop siya ng ilang mga health issue na nakaaapekto sa sirkulasyon.