PINAIIMBESTIGAHAN ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang sinasabing police brutality na naging viral sa social media hinggil sa naganap na anti-narcotics operation sa New Cabalan, sa lungsod ng Olongapo, noong Linggo, 3 Enero.
Inilagay sa floating status ang station commander ng Police Station 4 ng Olongapo City Police Office habang isinailalim sa pagsisiyasat ang naturang kaso dahil sa command responsibility bilang hepe.
Matatandaang dinakip ang suspek na kinilalang si Nesty Gongora, 28 anyos, construction worker, kabilang sa drug watchlist ng OCPO, residente sa Purok, Alexander St., ng nabanggit na lugar, nang mahuli sa aktong nagbebenta ng ilegal na drogang shabu sa buy bust operation ng mga operatiba ng Police Station 4 Drug Enforcement Unit (SDEU).
Nauwi sa rambol ang operasyon nang kuyugin sila ng mga kamag-anak ng suspek na naroroon sa pinangyarihan ng insidente.
Kaugnay nito, sinampahan ng kasong obstruction of justice at direct assault ang lima kataong humarang at nanipa sa mga operatiba.
Kinilala ang lima na sina Rusty Cuevas, Vanessa Gongora, Nestor Gongora, Jerome Delos Reyes, at isang John Doe na pawang nakalalaya pa.
Samantala, sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Act of 2002 ang suspek na si Gongora.
Pinatunayan rin ng kapitan ng Brgy. New Cabalan sa pamamagitan ng isang sertipikasyon na nagpositibo si Gongora sa ilegal na droga at isang surrenderee sa kanilang barangay noong 2016, at nakulong sa Bataan police station sa kasong may kaugnayan sa ipinagbabawal na droga.
(RAUL SUSCANO)