HINDI paaawat ang Food and Drug Administration (FDA) sa pag-iimbestiga sa hindi awtorisadong pagbabakuna kontra CoVid-19 sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
“Ang habol namin dito ‘yung safety. Hindi naman kami naghahanap ng ipapakulong. Ang mandato ko, siguraduhing ‘yung gamot na nagagamit at napapasok dito sa Filipinas ay safe at puwedeng gamitin. ‘Yun po ang importante sa amin and we have to establish that,” ayon kay FDA Director General Eric Domingo.
Ang pagsisiyasat ng FDA ay sa kabila ng gag order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PSG sakaling ipatawag ng Kongreso tungkol sa paggamit ng ‘smuggled’ at unauthorized CoVid-19 vaccine.
“We will follow ‘yung aming mga proseso at itutuloy po natin ang ating kailangang gawin,” ani Domingo.
Hanggang wala pang naaaprobahang bakuna kontra CoVid-19 ang FDA ay ilegal ang importasyon, distribusyon at pagbebenta ng vaccine sa Filipinas.
“Mayroon naman tayong set of working procedures kung paano hina-handle bawat report, bawat complaint lalo po kung involving unauthorized or unregistered products,” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO)