WALANG pakialam si Pangulong Rodrigo Duterte kung mamatay ang mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG) na naturukan ng ‘smuggled’ at ‘unauthorized’ Sinopharm CoVid-19 vaccine.
Ibinulalas ito ni Pangulong Duterte kasunod ng babala laban sa ikinakasang imbestigasyon ng Kongreso sa isyu ng ilegal na bakunang itinurok sa mga kagawad ng PSG na para sa kanya ay ‘self-preservation’ ng mga sundalo.
Hindi inilinaw ng Pangulo kung constitutional crisis o batas militar ang mararanasan ng bansa kapag itinuloy ng Kongreso na imbestigahan ang PSG.
“Masyado kayong maa-ano e. ‘Pag ginawa ninyo ‘yan, there will be a little crisis. Nasa inyo. Ako, I am prepared. I am preferred — preferred — prepared to defend my soldier. I will not allow them for all of their good intentions to be brutalized in a hearing tapos kung ano-ano,” sabi niya sa public address kamakalawa ng gabi.
“So pinoprotektahan nila ako. Hindi naman ako papayag nagpoprotektar sila sa akin na ipakulong ninyo. Pakialam na… Hayaan mo silang mamatay kung mayroong masama na epekto ‘yung… I don’t know what kind of vaccine but I don’t care, bahala sila, buhay nila ‘yon,” aniya.
“Ganoon ang Congress ‘e, ‘pag may mangyari riyan, “A imbestigahin natin ‘yan.” Tapos may mangyari rito, “Ah let’s investigate this.” Ganoon na lang palagi. Tutal sila lang naman. Wala naman kayong alam ‘yung iba. Let them be and let them suffer kung mayroong adverse effect ‘yung vaccine,” dagdag niya.
Giit ni Duterte, hindi siya makapapayag na gisahin ng Kongreso ang PSG at inutusan niya si PSG Commander Jesus Durante na huwag magpunta sa imbitasyon ng Kongreso.
“I think now I will tell Durante — he is here — Durante, do not obey the summons. I am ordering you to stay put in the barracks. Medyo klaro naman siguro ‘yan?” aniya.
Bunsod ng utos ni Duterte na itikom ni Durante ang kanyang mga bibig sa isyu, hindi na itinuloy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang planong imbestigasyon sa PSG pero ang National Bureau of Investigation (NBI) ay itutuloy ang pagsisiyasat.
(ROSE NOVENARIO)