NAARESTO ang isang magnanakaw ng mga nagrespondeng police patrollers habang itinakbo sa pagamutan ang mag-asawang kanyang pinagpapalo sa ulo nang nakawan ang kanilang tindahan at computer shop noong Sabado ng gabi, 2 Enero, sa bayan ng Sta. Rita, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon ang suspek na si Joven Basera, 24 anyos, walang trabaho, residente sa Zone 2, San Matias, sa naturang bayan.
Kasalukuyang nagpapagaling ang mag-asawang biktimang sina Rafael Garcia, 44 anyos, at Carolina Garcia, 40 anyos, may-ari ng Carol Store and Pisonet sa Zone 3, Becuran, sa parehong bayan.
Ayon kay P/Maj. Renemer James Pornia, pinagnakawan ng suspek dakong 11:00 pm noong Sabado ang naturang tindahan at naireport sa himpilan dakong 12:40 am ng 3 Enero, na agad nirespondehan at nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at nabawi ang P6,290 kita ng tindahan.
Batay sa imbestigasyon, pinasok ng suspek ang Carol Store and Pisonet sa nasabing lugar at pinagpapalo ng bote ng softdrink sa ulo si Rafael Garcia nang mahuli sa akto ang suspek saka binalingan ang asawa ng biktima na nagising sa ingay at pinalo ng thermos sa ulo dahilan upang bumagsak pareho at mawalan ng malay saka tumakas ang suspek.
Samantala, sa kaugnay na insidente ay isang sibilyan na kinilalang si Federico Pineda, Jr., 29 anyos, taga-Zone 6, San Matias, ng nasabing lugar ang aksidenteng tinamaan ng bala sakay ng motorsiklo at lampasan ang checkpoint sa inilatag na dragnet operation hinggil sa naganap na nakawan sa tindahan ng pamilyang Garcia.
Agad na dinala si Pineda sa pagamutan upang malapatan ng agarang lunas ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Kasalukuyang pinaiimbestigahan ni P/BGen. De Leon ang insidente habang inilagay sa restrictive custody si P/Cpl. Eframe Ramirez na isinailalim sa parrafin test.
Kinausap na rin ni De Leon ang Internal Affairs Service (IAS) para magsagawa na malalimang pag-iimbestiga at kapag napatunayang nagkasala ay mapapatawan ng kasong administratibo at kriminal si Ramirez. (RAUL SUSCANO)