NAPILITANG magbakwit ang halos 300 indibiduwal mula sa bayan ng Tapaz, sa lalawigan ng Capiz, matapos ang operasyon laban sa ilang hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa lugar, kung saan napaslang ang siyam katao.
Tinatyang 60 pamilya o halos 300 katao mula sa Barangay Lahug nitong Biyernes, 1 Enero ang mapilitang lumikas dahil sa takot kasunod ng operasyong nangyari noong nakaraang buwan.
Pansamantala silang nakikituloy ngayon sa isang civic center sa parehong bayan. Nabatid na siyam ang napatay ng militar at pulisya habang 17 ang nadakip sa pagsisilbi ng mga warrant sa anila’y mga hinihinalang rebelde sa mga bayan ng Tapaz sa Capiz, at Calinog sa Iloilo.
Ngunit ayon sa grupong PAMANGGAS, ang mga napatay ay pawang kasapi umano ng indigenous organization na Tumandok nga Mangunguma nga Nagapangapin sa Duta kag Kinabuhi.
Nauna nang binatikos ng ilang grupo ang operasyon at iginiit na hindi mga miyembro ng NPA ang mga napatay.