BINAWIAN ng buhay ang isang 10-anyos batang lalaki habang sugatan ang limang iba pa nang sumabog ang isang tangke ng helium gas sa bayan ng Norala, lalawigan ng South Cotabato, nitong Linggo, 27 Disyembre.
Ayon kay P/Maj. Bernie Faldas, hepe ng Norala police, naganap ang insidente pasado 9:00 a, sa Purok Reloquemas, Barangay Poblacion, sa naturang bayan.
Idineklarang dead on arrival ang biktimang kinilalang si Jeffren John Cabuhay sa Norala District Hospital habang sugatan ang apat niyang mga kaanak at isa niyang kalaro nang sumabog ang isang tangke ng helium gas sa loob ng bahay habang naghahanda ng mga lobo para isang party.
Kinilala ang iba pang mga sugatang biktima na sina Nelfren Cabuhay, 40 anyos, at Geralden, 39 anyos, mga magulang ni Jeffren; dalawa pa niyang kapatid na may edad 8 anyos at 11 anyos, at ang kaniyang kalarong 10 anyos.
Nabatid na nagtitinda ng mga lobo ang mag-asawang Cabuhay, at kasalukuyan silang naghahanda ng mga lobo para sa isang party habang naglalaro sa hindi kalayuan ang mga bata nang bigla na lamang sumabog ang tangke.
Ayon kay South Cotabato disaster officer Rolly Aquino, nasa kritikal na kondisyon si Geraldine dahil sa mga shrapnel na tumama sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Lahat ng mga biktima ay kasalukuyang nasa South Cotabato provincial hospital.
Samantala, ipinahayag ni Norala Mayor Clemente Fedoc na iniimbestigahan ng scene of the crime operatives ang insidente upang matukoy ang sanhi ng pagsabog ng tangke.